228 total views
Suportado ng Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK) ang padiriwang ng United Nations ng World Youth Skills Day na nagsusulong ng pantay na karapatan para sa mga batang manggagawa.
Ayon kay PSLINK Advocacy Head Jillian Roque, mga kabataan ang pangunahing napapasailalim sa kontraktuwalisasyon at hindi permanenteng mga trabaho dahil hindi natututukan ng pamahalaan ang paghubog sa kanilang kakayahan.
“Mas vulnerable ang mga kabataan sa precarious works, ito yung kabaligtaran ng decent work, mga unstable, hindi permanent and irregular types of work. Kung mababa yung skills ng mga kabataan, kung hindi nakakapag-invest maigi ang gobyerno sa skills at may mga problema tulad ng job skills mismatch, nagko-contribute yan lahat sa pagiging vulnerable ng mga kabataan sa precarious work, mababa yung sahod, walang job security, walang security of tenure,” pahayag ni Roque.
Sa pag-aaral ng United Nations, tatlong beses na mas walang trabaho ang mga kabataan, napabilang sa mababang uri ng hanapbuhay at hindi pantay na pagtrato ng karapatan.
Naniniwala si Roque na kung mas mapapatatag ang programa ng pamahalaan na humahasa sa kasanayan ng mga batang manggagawa at maglalaan ng trabaho na regular at akma sa kanilang pinag-aralan ay magiging pantay ang bawat isa sa larangan ng paghahanapbuhay.
“Ang panawagan namin sa gobyerno, aside from building the skills of the youth is to also ensure na ang mga trabaho na kine-create ng gobyerno ay hindi precarious works at magkaroon ng mas targeted na human resource development plan para yung mga kabataan ay unti-unting nagkakaroon ng decent jobs,” dagdag ni Roque.
Sa pagtataya ng Asian Development Bank (ADB) noong 2016, mapalalago ang ekonomiya ng Pilipinas kung magkakaroon ng mga produktibong trabaho ang mga batang manggagawa na siyang bumubuo sa kalahati ng kabuuang populasyon ng bansa.
Una nang ipinaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco na maliban sa kita, ang proteksyon at pagpapahalaga sa dignidad ng isang manggagawa ang pangunahing salik na dapat isaalang-alang ng bawat isa.