1,925 total views
Nakikiisa si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa panawagan ng EcoWaste Coalition para sa ligtas at makakalikasang paggunita ng Semana Santa 2023.
Sa panawagan, hinihikayat ang bawat mananampalataya na panatilihin ang kalinisan sa pagsasagawa ng Visita Iglesia at pagpunta sa iba’t ibang pilgrimage sites upang magnilay at manalangin.
Ayon sa obispo nawa ay ipaalala sa mga mananampalataya ang panawagan sa paggunita ng simbahan ng Mahal na Araw kung saan karaniwang isinagawa ang pilgrimage at Visita Iglesia.
Nauna nang sinabi ng EcoWaste na sa paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoon ay mapagnilayan din nawa ng bawat isa ang mga pagsubok na kinakaharap ng kalikasan.
“We hope to appeal to all pilgrims to keep the pilgrimage sites litter-free and to minimize the use of single-use plastics…as we recall the passion, death, and resurrection of Jesus Christ and deepen our Christian faith,” pahayag ng EcoWaste Coalition.
Tinukoy din ng grupo ang pag-iwas sa paggamit ng mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok na nakadaragdag sa iba’t ibang polusyong nakalalason at nakasisira ng kapaligiran.
Iginiit ng EcoWaste na mahalaga ang patuloy na pagsasabuhay sa ecological conversion sapagkat makatutulong ito upang matugunan ang epekto ng climate change, pollution, at biodiversty loss.
“Together, let us use the holy days, as well as the long weekend, to turn away from practices that poison and destroy the environment and the climate with pollutants such as vehicular emissions and plastic chemicals and wastes,” saad ng EcoWaste.
Nagpapasalamat din ang EcoWaste kay Bishop David sa tulong, suporta at pakikiisa sa adbokasiya sa pangagangala ng kalikasan.
Paalala pa ng grupo sa bawat isa na bilang mga katiwala ng mga nilikha ng Diyos, marapat lamang na ibahagi at ipakita ang paggalang sa inang kalikasan lalo na sa pagsasagawa ng mga gawaing pangsimbahan.