1,863 total views
Opisyal na inilunsad ng Commission on Elections (COMELEC) ang Committee against Vote-buying and Vote selling bilang paghahanda sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ang naturang komite ay tinagurian din bilang Committee on Kontra Bigay na naglalayung pangasiwaan ang pagpapaigting sa kampanya ng COMELEC laban sa talamak na vote buying at vote selling tuwing panahon ng halalan sa bansa.
Sa pangunguna ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, kasama ang iba pang mga commissioners ng COMELEC ay tiniyak ng ahensya ang higit na pagpapaigting sa kampanya laban sa pagbili at pagbenta ng boto lalo na sa papalapit na halalang pambarangay sa ika-30 ng Oktubre, 2023.
Pangangasiwaan ni COMELEC Commissioner Ernesto Maceda Jr. ang Committee on Kontra Bigay bilang Commissioner-in-Charge ng komite kung saan binigyang diin ng opisyal na napapanahon ng mawakasan ang matagal ng suliranin ng vote selling at vote buying sa bansa.
“There is really a need to reframe our policy against vote buying and vote selling, recognizing that these acts are also symptomatic of broader historical socio-economic problems, ilang dekada na ito na namamayagpag bunsod ng kaugaliang pakikisama, pami-pamilya at utang na loob, kaya utang na loob tama na.” Ang bahagi ng pahayag ni Maceda.
Tiwala si Maceda na sa pamamagitan ng bagong tatag na komisyon na nagsimula lamang bilang isang task force noong 2019 ay mas higit na matutugunan at matututukan na ng COMELEC ang matagal na nitong misyon na mawakasan ang nakaugalian ng pagbili at pagbibenta ng boto tuwing halalan.
“We will overcome vote buying and we will do together to start with, what used to be just a task force, just an ad hoc committee in 2019 is now a standing committee, a permanent committee of the COMELEC, the only permanent committee of the COMELEC dedicated to attacking what is truly an internal threat to democracy.” Dagdag pa ni Maceda.
Sa bisa ng COMELEC Resolution No. 10946 itinatag at binigyang kapangyarihan ng COMELEC ang Committee on Kontra Bigay para pigilan ang pagbili at pagbenta ng boto sa pamamagitan ng paglalatag at pagpapatupad ng isang maasahan at epektibong sistema ng pag-uulat, pag-iimbestiga, at pag-uusig ng pagbili at pagbenta ng boto bilang Election Offense sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Una ng binigyang diin ng Simbahang Katolika na mahalagang gumawa ng mga naaangkop na hakbang ang COMELEC upang masolusyunan at mawakasan ang iba’t ibang maling kaugalian tuwing sasapit ang halalan sa bansa kasabay ng pananawagan sa bawat isa na makisangkot sa kabuuang proseso ng halalan sa pamamagitan ng gabay ng mga panlipunang turo ng Simbahang Katolika.
Nasasaad sa Omnibus Election Code na nangunguna sa listahan ng election offense ang Vote Buying at Vote Selling kung saan mahaharap ang bumili ng boto at mga kinasangkapan nito gayundin ang humingi o tumanggap ng anumang halaga sa parusa ng pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, habang maari ding madisqualify ang isang pulitiko mula sa public office at maaring mawalan ng karapatan na bumoto.