175 total views
Ito ang naging saloobin ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commision on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo matapos mangako ang mga kandidato sa pagka – pangulo na wawakasan nila ‘labor contractualization’ o ENDO o ‘end of contract’ sa bansa.
Dismayado si Bishop Pabillo sa huling debate ng mga presidentiables dahil pinupulitika lamang ang pangako sa mga manggagawa.
“Wala naman silang ipinakitang suporta doon hindi natin alam kung yung sinasabi nila yan ay talagang paninindigan nila o baka ‘political gimmick’ lang naman yan. Pero nasabi na nila yun naka – record na yan at yan ay pwede nating panagutin sa kanila na talagang hindi nakakatulong ang kontrakwalisasyon,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Umasa naman si Bishop Pabillo na susuportahan ng mga presidentiables ang pagpapatupad nang batas laban sa kontrakwalisasyon na siya sanang magandang solusyon upang labanan ang pagiging sakim ng ilang negosyante sa kanilang kita.
“Sana sinabi nila na ipapatupad nila ang batas dahil may batas naman na laban diyan at talagang hahabulin nila kahit na yung mga malalaking kumpanya na gumagawa ng kontrakwalisasyon na sana sinabi nila. Lalo na yung mga malls tsaka yung mga industriya na gumagawa noon na hindi nila pauunahin yung investment kaysa sa karapatan ng mga manggagawa,” panawagan ni Bishop Pabillo sa mga kandidato.
Batay naman sa nilikhang Presidential Decree No. 442 noong 1974 o ang Labor Code of the Philippines hindi nito pinapayagan kontrakwalisasyon sa trabaho, ngunit ang naturang batas ay nahanapan ng butas ng ilang mga employers na siyang nagbigay buhay sa contractualization.
Nabatid naman na sa 2014 Integrated Survey on Labor and Employment ng Philippine Statistics Authorty sa mga kumpanya na may 20 at higit pang mga empleyado, 39 na porsyento o 1.96 na milyon ng kabuuang 5.06 na milyong manggagawa ay hindi regular o pawang kontrakwal lamang.