163 total views
Makadaragdag lang sa pasanin ng mga Overseas Filipino Workers ang Identification Card System na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People, walang malinaw na panuntunan at programa ang naturang ID system na kailangan pang pag – aralan ng mabuti at suriin ang mga pros and cons na maidudulot nito sa mga OFWs.
Nangangamba si Bishop Santos na maaari pang mabaon sa utang ang ilang mga OFW dahil sa eksklusibong ID card bilang debit card sa OFW Workers Bank na hindi pa naman naisasakatuparan.
“Tingnan mabuti na malaki ang remittance ang binibigay nila at huwag na nating bigyan ng pahirap sa pamamagitan ng ID na kung saan sila ay magbabayad at wala pang kasiguruhan na malaki ang tulong na maibibigay. Pag – aralang mabuti at ano nga ba ang specific detail na maitutulong nitong ID na ito.” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong 2014, ang padala ng mga OFW na dumaan sa banking system ay umabot ng US$24.3 billion.
Ito ay katumbas na ng 8.5% ng ating gross domestic product o GDP.
Noong unang quarter ng 2016, ang mga remittances ng mga OFWs ay umabot ng $7.2 billion. Mas mataas pa ito ng 4.3 percent kaysa sa unang quarter ng 2015.
Samantala, sa panlipunang katuruan ng Simabahang Katolika mahalagang maging inklusibo ang mga programa ng pamahalaan sa pagbibigay ng opurtunidad gamit ang remiitances ng mga OFWs.