195 total views
Inihayag ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang maiangat ang pamumuhay ng mga dukha sa lipunan.
Ayon sa Obispo sa pagpakumbaba nakatutulong ang tao na maitaas ang mga labis nahihirapan at mapagaan ang kanilang mga dalahin sa buhay.
“Wala nang mas mataas na tindig ng isang tao kaysa sa mga taong nagpapakababa para itataas ang kanyang kapwa this is the meaning of Caritas Margins we cooperate to lift each other up,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Pinangunahan ni Bishop Ongtioco ang misa at pormal na pagbukas ng buy and give trade fair ng Caritas Margins nitong ika – 25 ng Setyembre sa Quezon City kasama si Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas kung saan tampok ang mga produktong gawa ng mga maliliit na komunidad mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Sa pagninilay ng Obispo sinabi nitong higit kinalulugdan ng Panginoon ang lumilingap sa mga dukha sapagkat ito’y maituturing na pagkakawanggawa.
“When we reach out to the poor, we open the gates of the kingdom of God,” ani ni Bishop Ongtioco.
Pangunahing layunin ng Caritas Manila ang tulungan ang mga dukha sa lipunan lalo na ang mga maralitang tagalunsod na maiangat ang antas ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng pagsasanay pangkabuhayan na unang tinututukan ng Caritas Margins.
Sa kasalukuyan may 1, 500 mga partners ang Margins sa iba’t ibang komunidad sa Metro Manila at mga lalawigan ng buong bansa.
Kabilang sa mga tinutulungan ng Caritas Margins na maipakilala sa publiko ang mga produkto ay ang ilang micro-entrepreneurs na nais lumago ang negosyo na binubuo ng mga kooperatiba, mga bilanggo at maging ang mga magsasaka.
Naniniwala ang Caritas Margins sa kasabihang ‘buying is a new way of giving’ sapagkat pinaghihirapan din ng mga mamumuhunan ang kanilang mga kinikita.
Sa kasalukuyang trade fair na magtatagal hanggang ika – 27 ng Setyembre may 25 exhibitors na mga kooperatiba ang lumahok na nagtataguyod sa mga produktong gawang Filipino.
Matatagpuan ang ika – 7 Buy and Give trade fair sa Trinoma Mall Activity Center sa lunsod Quezon na inaasahang masusundan pa sa mga susunod na buwan sa ibang mga kilalang establisimiyento.