146 total views
Hinamon ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo ang bawat isa na isapuso at isabuhay ang pagpapanibagong loob para sa kalikasan ngayong nalalapit na pagdiriwang ng ika-10 taon ng Earth Hour.
Binigyang diin ng Obispo na balewala ang mga panlabas na aktibidad tulad ng mga pagdiriwang at programa, kung hindi maisasapuso ng bawat isa ang tunay na kahulugan ng ecological conversion.
“Ang magandang tinitignan natin dito, madaling sumama dun sa programa pero baka naman yung ating ginagawa hindi natin na iinternalize, hindi natin naisasaloob talaga kaya yung sinasabi ni Pope Francis tungkol sa climate change kinakailangan natin ay ecological conversion at yung conversion na ‘yun ay something internal hindi just doing yung mga program, parang external na activity, ang napaka importante ay meron talagang conversion that comes fron the heart, ‘yun ang importante.” Pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dahil dito, hiniling ni Bishop Arigo na bukod sa pakikiisa sa mga pagdiriwang at pagpapatay ng ilaw, dapat pagnilayan, isapuso at isabuhay ng bawat tao ang tunay na misyon ng pagiging katiwala ng san nilikha. “Kaya hindi ako nananawagan na magcooperate, ang ating tignan ay anu ba talaga yung … why are we doing, what we are doing? At sana ay hindi lang natin maintindihan, maging part din dapat ng ating values.” Dagdag pa ni Bishop Arigo.
Sa ika-19 ng Marso, gaganapin ang Earth Hour 2016 sa ganap na alas otso y medya hanggang alas nuebe y medya ng gabi.
Kasabay nito ang Special Programming ng Radyo Veritas simula alas Otso hanggang alas dyis ng gabi na pinamagatang “Banal na Oras”, kung saan tatalakayin ang mga turo ng Santo Papa Francisco sa Ensikikal nitong Laudato Si.
Magugunitang taong 2007 unang isinagawa ang Earth Hour sa Sydney Australia at agad itong inilunsad sa Pilipinas taong 2008 kung saan ito ang kauna-unahang bansa sa Asya na nakilahok sa programa.
Dahil sa milyun-milyong mga Filipinong nakilahok sa Earth Hour nakamit ng Pilipinas ang titulong “ Earth Hour Hero Country” sa loob ng limang taon simula 2009 hanggang 2013.
Samantala, taong 2015 mahigit 10,400 local and national Landmarks ang nakiisa sa pagpapatay ng ilaw kabilang dito ang Quezon Memorial Circle, Empire State Building, Eiffel Tower at Sydney Opera House.
Tinataya namang 125 Megawatts ang natitipid taun-taon tuwing isinasagawa ang Earth Hour.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, hinikayat nito ang bawat tao na simulan sa pagbabago ng lifestyle ang ecological conversion na kinakailangan ng mundo, at dito naman magmumula ang community conversion o pagkakaisa ng bawat mamamayan para sa iisang adhikaing protektahan ang san nilikha.