365 total views
Binigyan diin ni Atty. Christian Monsod – Founder ng Legal Network for Truthful Election (LENTE) at isa sa mga framer at bumuo ng 1987 Constitution na ito ang dapat na pag-aralan at isaisip ng mga kandidatong tumatakbo para sa posisyon sa pamahalaan.
Paliwanag ni Monsod, tunay na makakamit lamang ng mga mamamayan ang Social Justice o Katarungang Panlipunan kung tuluyang masosulusyunan ang hindi pagkapantay-pantay, diskriminasyon at kawalang opurtunidad ng bawat mamamayan sa iba’t ibang larangan sa bansa.
“Kung atin talagang pag-aaralan ang ating Constitution the heart of our Constitution is Social Justice ang ibig sabihin ng Social Justice alisin lahat yung mga equitable o inequalities sa Economic, Social and Political field kasama ang Political, there is so much inequality for example in Political power and we should level this, level it as much as possible. Reduce the inequalities pero yung inequities – cultural inequity must be reduce to zero, the others you can reduce it to a point where it is tolerable..” pahayag ni Monsod sa Radio Veritas.
Dahil dito, iginiit ni Monsod na nararapat na tiyakin ng mga susunod na mamumuno sa bansa ang pagkakaroon ng pantay na karapatan sa lipunan na siyang nasasaad sa pambansang Konstitusyon ng Pilipinas.
Kalakip rin nito aniya ang pantay na karapatan ng bawat isa sa pagkakaroon ng pagkakataong makapaglingkod sa bayan at hindi sarilihin o angkinin ng iilang angkan o pamilya lamang.
Batay sa datus ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) aabot sa 178 ang bilang ng mga ‘dominant political dynasties’ o kilalang angkan sa larangan ng politika sa bansa, kung saan 94-porsyento o 80-probinsya sa Pilipinas ay mayroong political dynasty.
Batay sa tala 75-porsyento ng mga mambabatas sa Kongreso ang nagmula sa mga kilalang angkan sa Politika samantalang tanging tatlo lamang sa mga kasalukuyang Senador ang hindi kabilang sa Dinastiya.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, sinasabing ang pag-unlad partikular na sa ekonomiya ng bansa ay kinakailangang maging pangunahing konsederasyon ang pag-alwan ng buhay ng mga mahihirap at pagtiyak sa panlipunang katarungan at benepisyo ng pantay-pantay upang lumiit ang pagitan ng mahirap at mayaman.