389 total views
Kumpiyansa si Philippine Network of Food Security Programmes, Incorporated Executive Director Sharlene Lopez na mawawakasan lamang ang kagutuman sa bansa sa pamamahagi ng lupang sakahan sa mga magsasaka.
Tiwala din si National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza na matatapos ang kagutuman kung wawakasan ang laganap na kahirapan.
Kapwa naniniwala si Maza at Lopez na kung maisasabatas ang Housebill 555 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at gagawing prayoridad ng gobyerno ang pagtulong sa mga magsasaka ay mabilis na matutugunan ang kagutuman.
Inihayag ni Lopez na dahil sa kawalan ng lupang taniman sa probinsya kaya napipilitan ang mga magsasaka na magtungo sa Maynila na wala namang trabahong mapapasukan.
Iginiit ni Lopez na ang kawalan ng “job opportunities” sa mga lalawigan ang dahilan ng tumataas pang bilang ng mga nagugutom at naghihirap sa bansa.
Naninindigan naman si Maza na matatapos na ang nararanasang kagutuman kapag naisaayos ng pamahalaan ang mga patakarang pang-ekonomiya.
Tinukoy ni Maza ang kahalagahan na maisakatuparan na ang repormang agraryo at mapasakamay na ng mga magsasaka ang lupa na may kasamang suporta o support services.
Ito ang tugon ni Maza at Lopez sa survey ng Social Weather Station (SWS) kung saan naitala ang 11.9-porsiyento o katumbas ng 2.7-milyon ng pamilyang Filipino ang dumaranas ng gutom sa unang quarter ng taong 2017.
Una nang isinusulong ng Kanyang Kabanalan Francisco sa United Nations World Food Program na gawing prayoridad ang kampanya na “Zero Hunger” na siyang tatapos sa suliranin ng kagutuman sa buong mundo sa taong 2030.