156 total views
‘Kababawan na solusyon sa mga malalaking problema na kinakaharap ng bansa.’
Ganito isinalarawan ni Apostolic Vicariate of Puerto Prinsesa Bishop Pedro Arigo ang planong pagsampa ng estafa ni President elect Rodrigo Duterte sa mga taxi drivers na hindi magsasauli ng sukli sa kanilang mga pasahero.
Ayon pa ka Bishop Arigo, napakaraming mga problema sa ekonomiya na kinakailangang pag – ukulan ng pansin ni Duterte lalo na sa usapin ng kahirapan at inclusive growth.
“Mga petty things yan, mga very trivial andami – daming mga serious problems sa economy yan ang dapat niyang pag – ukulan ng pansin. Hindi yung sukli ng driver sa taxi. Naku, ano ba naman yang mga bagay na yan? Very trivial. Hindi na dapat paggugulan pa yan ng atensyon ng isang presidente ng buong bansa. Napakaraming problema, andaming issues na dapat pag – ukulan ng pansin. Hindi yung sukli ng taxi driver,” bahagi ng pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Veritas Patrol.
Ilan sa mga nais ipatupad ng Duterte presidency lalo na sa mga tsuper ang pagbabawal sa pagmamaneho ng mga nakainom na driver, pagpapatupad ng 30 to 60 kilometer per-hour speed limit sa EDSA at pagbibigay ng eksaktong sukli sa mga mananakay.
Naitala naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umakyat sa 9,300 na reklamo ang kanilang natatanggap laban sa mga abusadong drivers.
Nasa 1,800 mula sa naturang bilang ang kaso ng pagiging barumbado ng mga taxi driver ang inireklamo habang 892 ang kaso ng sobrang paniningil.