242 total views
Tungkulin ng Commission on Elections na tiyakin ang pagkakaroon ng isang malinis at tapat na halalang pambansa sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Ito ang iginiit ni Professor Ronald Simbulan – Vice Chairman – Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) kaugnay sa naging desisyon ng Korte Suprema na pag-i-imprenta ng resibo o voter receipt sa nakatakdang eleksyon.
Paliwanag ni Simbulan, bahagi ito ng mandato ng COMELEC bilang pangunahing independent commission na nangangasiwa sa halalang pambansa.
“Dapat responsibility ng COMELEC na ihabol yan, habulin talaga kasi that was one of the things that we expect, expect them to do na maging credible itong eleksyon kaya talagang dapat kasama yun para ma-verify yung result.” pahayag ni Simbulan sa Radio Veritas
Iginiit ni Simbulan na kailangang sundin ng ahensya ang naging desisyon ng Korte Suprema.
Nasasaad sa Republic Act (RA) 939 o Automated Election Law nararapat na magkaroon ng safety features ang balota at ang makinaryang gagamitin sa Automated Election partikular na ang ballot verification o ultra violet detectors, source code review, voter verified paper audit trail at digital signature ng sinumang mangangasiwa sa halalan.
Magugunitang, noong nakalipas na halalan nakapagtala ng 2.3 percent Discrepancy sa Accuracy ng PCOS Machine.
Kaugnay nito, nanawagan rin si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa Comelec na iwasan ang pagdudulot ng pangamba sa mga mamamayan kaugnay sa kasalukuyang isinasagawang paghahanda sa nakatakdang halalan sa halip ay mas nararapat gawin at gamitin nito ang kanilang malawak na makinarya upang puspusang gampanan ang kanilang mandato sa pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa malayo sa kaguluhan at karahasan batay na rin sa Republic Act No. 7166.