239 total views
Malawak ang konsepto at kahulugan ng kalayaan.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Jerome Secillano–Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa nalalapit na halalang pambansa kayat hindi dapat makuntento ang taumbayan sa kasalukuyang kalayaan tinatamasa dahil mas malawak at malalim ang konsepto ng pagkakaroon ng tunay na kalayaan sa lipunan.
Kabilang na dito ang kalayaan mula sa kahirapan, kurapsyon, pang-aabuso at tiwaling pamumuno ng mga lider ng pamahalaan.
“Nagbebenta ng boto halimbawa ang mga botante, hinahayaan nila na yung mga ganitong kalakaran katulad ng pagnanakaw sa kaban ng bayan hindi na masyadong pinapansin, so naging at ease din ang mga botante, naging maluwag din ang mga botante kasi nga akala nila maayos na yung ating bayan dahil nakamtan na natin ang demokrasya, malaya tayo. Pero hindi lang pala kalayaan dito na tayo ay nakakapagsalita, na tayo ay nakakagalaw, ang kalayaan pala ay kalayaan sa kahirapan, kalayaan rin sa kurapsyon, kalayarin sa mga pang-aabuso at kalayaan mula sa isang pangit na pamumuno, yang ang hindi natin nakamtan yan…” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Secillano, sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito giit ng Pari, nararapat na patuloy na manindigan ang bawat mamamayan partikular na ngayong darating na May 9-National at Local Elections upang tunay na maisakatuparan ng ganap na demokrasya sa bansa.
Batay sa Commission on Elections Resolution No. 10002, mayroong 18,083 posisyon ang bukas para sa panunungkulan at pamumuno ng mga bagong lider na maihahalal ngayong darating na May 9–National at Local Elections, kabilang na ang posisyon sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, 12 senador, 59 na partylist representatives at higit 18-libong posisyon sa lokal na pamahalaan.
Sa tala ng Comelec, nasa 54.6 na milyon ang rehistradong botante na nakapagpatala para sa susunod na eleksyon bukod pa sa 1.4 milyong Overseas absentee voters.
Ayon sa National Youth Commission, 40-porsyento sa kabuuang bilang na ito ay mga kabataang edad 18 hanggang 30 taong gulang na malaki ang maaring maging papel sa nakatakdang 2016 National at Local Elections.
Magugunitang sa naganap na Encounter with the Youth sa UST, ni Pope Francis noong ika-18 ng Enero taong 2015 ay hinamon nito ang mga kabataan na mag-isip, makiramdam at kumilos upang tunay na makapagbahagi sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan at maging sa kapakanan ng buong bayan