356 total views
Ang pananampalataya at pagiging misyunero ay hindi mapaghihiwalay.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle – Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples kaugnay sa Pista ng Pananampalataya at Misyon isang online celebration ng Jubilee Year ng 500 Years of Christianity sa Pilipinas.
Ayon sa Cardinal, ang mga misyunero ay ang nananampalataya na patuloy na sumasaksi at nagbabahagi ng Mabuting Salita ay Panginoon.
Ipinaliwabag ni Cardinal Tagle na sa pamamagitan ng pagmimisyon na pagsaksi at pagpapatotoo ay naipapakita at naipaparinig ang mga turo ni Hesus sa mas nakararami.
“Ang nananampalataya nagiging misyunero at ang tunay na misyunero ay ang nananampalataya at sa patuloy na misyon na yan sumasaksi sa iba upang hari nawa, hopefully sa pamamagitan ng misyon na yan makita, marinig ng iba si Hesus, through the missionary hopefully Jesus will be seen by others, Jesus will be heard by others kaya hindi mo yan mahihiwalay, pananampalataya at misyon, misyon at pananampalataya…”pagninilay ni Cardinal Tagle.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang pagmimisyon ay hindi lamang isang tungkulin kundi tunay na pagsasabuhay ng pananampalataya upang ganap na maibahagi sa kapwa ang ebanghelyo.
Sinabi ng Cardinal na ang pananampalataya ay isang regalo o biyaya na nangmumula lamang sa Panginoon at matatamo sa pamamagitan ng pagtingin at pakikinig sa mga turo ng nag-isang Panginoon ng lahat at hindi ng kung sino man.
“Ang pananampalataya ay isang uri ng pagkita at pagkarinig, faith is a form of seeing and hearing but it’s a gift of God, it’s a gift ang pananampalataya ay regalo, biyaya ng Panginoong muling nabuhay hindi po tayo ang inventor, hindi po tayo ang manufacturer, hindi po tayo ang producer ng pananampalataya. Kapag tayo ang gumawa ng pananampalataya makakasigurado kayo fake yan, hindi yan tunay na pananampalataya, ang tunay na pananampalataya ay nanggaling sa Panginoon.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Umaasa naman ang Cardinal na patuloy pang mapalalim at maipalaganap ng mga Filipinong Kristiyano ang pananampalataya na natanggap ng bansa 500 taon na ang nakakalipas sa pamamagitan ng patuloy na pagbabasa at pag-unawa sa bibliya ganundin ang taimtim na pagdarasal sa Panginoon.
Ang nasabing online celebration na tinaguriang Pista ng Pananampalataya at Misyon ay bahagi ng pagdiriwang ng Jubilee Year of the 500 Years of Christianity in the Philippines at ng paggunita na rin ng Year of Missio Ad Gentes na inihanda ng CBCP – Episcopal Commission on Mission.
Tampok rin sa online celebration ang pagbabahagi ng iba’t ibang aspekto ng pagmimisyon na ihahandog ng mga diyosesis at arkidiyosesis mula sa Cebu, Lingayen-Dagupan, Malolos, Zamboanga, Malaybalay, Kalibo, Cotabato, Borongan, Ozamis, Balanga, Caceres at Apostolic Vicariate of Tabuk.