360 total views
Inaanyayahan ang mananampalataya sa ikawalong pagtitipon ng Philippine Conference on New Evangelization sa darating na October 22 hanggang 24.
Tema ng PCNE-8 ang ‘FOR A SYNODAL CHURCH: Encounter, Participation and Mission’ bilang pakikiisa sa Synod 2021 2023.
Isang misa ang gaganapin sa pagbubukas ng PCNE-8 alas nuwebe ng umaga na pangungunahan ni Msgr. Esteban Lo.
Sa unang araw pangungunahan naman ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang ‘Listening Shepherd’ kung saan tampok ang mga kwentong pananampalataya nina Hidilyn Diaz, Judy Ann Santos, Candy Pangilinan, Chris Tiu at Caritas In Action resident Opthalmologist Dr. Mario Reyes.
Magkakaroon din ng Mission Exhibit ang Pueblo Amante De Maria at Sagrada Familia na pamumunuan ni Fr. Reynaldo Aguilar.
Sa ikalawang araw ng pagtitipon magbibigay ng kanyang panayam si Incoming CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara habang sa con-current sessions ay tatalakayin ang mga usaping pamilya at panlipunan kabilang na ang ‘One Godly Vote’ campaign ng Radio Veritas na ipapaliwanag ni Fr. Jerome Secillano.
Bukod pa rito ang pagtatalakay ng parish mission sa paksang ALPHA Catholic Context on Transforming Parishes na tatalakayin ni Elizabeth Lopez, culture and faith naman ni Fr. Norman Pena, SSP at mental health sa paksang Silver Lining Project ni Fr. Dale Dakila haban sa hapon naman matutunghayan ang mission concert ni Fr. Deng Marfori.
Sa huling araw ng PCNE-8 kabilang sa magbibigay ng panayam ang kinatawan ng medical frontliners, Living Laudato Si Movement para sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan, Fr. Fiel Pareja na tatalakay sa usapin ng social media, community pantry ni Vincentian missionary Fr. Joel Rescober at migrants and refugees na ibibigay ni Fr. Resty Ogsimer ng CBCP migrant’s ministry.
Pangungunahan ni Cardinal Advincula ang closing mass at mission sending sa alas onse ng umaga kasama ang ilang pari ng arkidiyosesis.
Dahil sa mga restrictions dulot ng pandemya matutunghayan ang PCNE-8 sa Philippine Conference on New Evangelization facebook page, social media pages ng mga simbahan ng Manila at Radyo Veritas Ph.