207 total views
Pinangangambahan ng Save Sierra Madre Network Alliance na maulit ang matinding pagbaha sa Metro Manila, tulad ng idinulot ng bagyong Ondoy noong 2009, matapos iulat ng PAGASA ang malaking posibilidad ng pagkakaroon ng La Niña sa ikalawang bahagi ng taong 2016.
Ayon kay Fr. Pete Montallana, Chairperson ng grupo, ang Marikina Watershed ang dapat sanang sumasalo sa mga tubig ulan na pumupunta sa kamaynilaan subalit masyado nang malaki ang pinsala nito dahil sa illegal logging at mga pagmimina.
Dahil dito hinimok ni Fr. Montallana ang pamahalaan na i-rehabilitate ang watershed, upang masagip ito mula sa tuluyang pagkasira.
“Itong Marikina Watershed, ito ay dapat noon pa inayos ng gobyerno, pero hindi naman talaga napigilan yung pagkakahoy, yung pagku-quarry, nakikita natin yan tapos pagdami ng subdivision, kaya nakakatakot talaga d’yan maulit ang Ondoy, sa grabeng pag-ulan, paghindi talaga inalagaan ang Marikina Watershed ang Ondoy ay malamang mauulit.” Pahayag ni Fr. Montallana sa Radyo Veritas.
Bukod dito, hinimok rin ni Fr. Montallana ang pamahalaan na muling pag-aralan ang mga proyekto tulad ng pagpapatayo ng mga dam, bago tuluyang ipatupad.
Dahil ayon sa pari, maraming puno ang mapuputol sa pagtatayo ng mga dam at magiging dahilan rin ito ng matinding pagbaha.
Dagdag pa ni Fr. Montallana, kailangan na rin magsagawa ng pamahalaan ng iba pang paghahanda sa paparating na tag-ulan, tulad ng paglilinis ng mga kanal na dadaluyan ng mga tubig upang maiwasan ang pagbaha.
Noong 2009, naitala na ang anim na oras na tuloy-tuloy na pag-ulan na dulot ng bagyong Ondoy ay katumbas na ng isang buwang tubig ulan sa Pilipinas.
Dahil dito umabot sa 4,901,234 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na naapektuhan sa naturang bagyo kung saan nasa mahigit 700 ang namatay.
Nauna nang binigyang diin ni Pope Francis sa Laudato Si, na dahil sa pagkasira ng kalikasan, tao rin ang nagiging biktima ng mga sakunang idinudulot nito.