194 total views
Hindi tuluyang maipatutupad ang planong pagbabago sa pamamahala sa bansa kung mananatili sa posisyon ang mga dati ng tiwaling opisyal ng bayan.
Ito ang inihayag na pangamba ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity, partikular na sa kasalukuyang paglipat ng ilang mga pulitiko sa partido ng PDP-Laban bago ang opisyal na pag-upo sa katungkulan ng bagong Administrasyon.
Giit ng Obispo, hindi magiging ganap ang pagbabagong hinahangad sa pamamahala kung mananatiling ang mga dating pulitikong wala namang tunay na naging ambag sa paglago ng lipunan.
“Sa bagong Presidente, maging maingat siya sa mga balimbing ang dami ngayong pulitiko na pumapanig sa kanya kaya yung kanyang programa ng pagbabago ay hindi mangyayari kung kukunin niya rin yung mga dating pulitiko, yung mga balimbing na ngayon na siya ang nauuna sila naman ay pupunta naman sa kanya, dito makikita natin ang pagkatrapo sa mga pulitiko…” pahayag ni Bishop Pabillo, sa Radio Veritas
Sa resulta ng SWS survey noong nakalipas na taon, lumabas na 56-na-porsyento ng mga Business Executives sa bansa ang nagsasabing talamak na ang kurapsyon sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan, sa pangunguna ng Bureau of Customs, Senado at mababang kapulungan ng Kongreso.
Batay nga sa isinagawang pag-aaral ng IBON Foundation, umaabot sa 2-trilyong piso sa loob ng tatlong taon ang nasasayang na buwis ng mga mamamayan dahil sa katiwalian sa pamahalaan.
Una nang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mga politiko na wakasan ang kahirapan na nakaugat sa yamang dapat tinatamasa ng bawat isa sa lipunan.