384 total views
Tiniyak ng Military Ordinariate of the Philippines ang pakikibahagi at pagtugon sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na month-long Rosary Marathon o pagdarasal ng Santo Rosaryo ngayong buwan ng Mayo upang mawakasan na ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, mahalaga ang aktibong pagtugon ng lahat sa panawagang espiritwal na pagkakaisa ng Santo Papa sa pamamagitan ng pananalangin ng Santo Rosaryo.
Ibinahagi ng Obispo ang tagubilin sa mga chaplains ng iba’t-ibang puwersa ng pamahalaan upang tiyakin ang pagkikibahagi sa nasabing gawain.
“Hinihikayat din natin ang ating mga chaplains to unang-una makipag-ugnayan in terms of itong tinatawag nilang cross posting dito, kami dito I have already give an instruction because this is now the Holy Father asking for help, spiritual help through praying of the rosary”. pahayag ni Bishop Florencio sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod sa aktibong pakikibahagi ng mga kawani ng pwersa ng pamahalaan sa nasabing Rosary Marathon laban sa COVID-19 pandemic ay hinihikayat rin ni Bishop Florencio ang mga dependents o mga kapamilya ng militar, pulis at iba pang mga ahensya na makibahagi sa pananalangin ng Santo Rosaryo.
Sinabi ng Obispo na napapanahon lamang ang panawagan ng Santo Papa lalo na’t itinuturing din ang buwan ng Mayo bilang buwan ng Santo Rosaryo at ng Mahal na Birheng Maria.
“The prayer of the Holy Rosary is parang marathon I think kasama din ito sa ating dasal na ang ating mga chaplains at saka lahat ng mga dependents ng mga military natin and police at saka yung ibang agencies sumunod din doon, anyway it’s normal naman ito na during the month of May, the month of the Holy Rosary, the month of Mary…” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Pinangunahan ni Pope Francis ang pagsisimula ng month-long Rosary Marathon ngayong buwan ng Mayo kung saan inaanyayahan rin ng Santo Papa ang lahat ng mga dambana partikular na ang mga nasa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria o mga Marian Shrine sa buong mundo upang palaganapin ang pagdarasal ng Santo Rosaryo.
Mayroon namang 30 Marian Shrine mula sa iba’t ibang bansa ang pinili upang pangunahan kada araw ang pagdarasal ng rosaryo na kinabibilangan ng National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o mas kilala bilang Antipolo Cathedral sa Pilipinas.
Maaaring masubaybayan ang month-long Rosary Marathon sa pamamagitan ng livestreaming sa mga official channel ng Vatican ganap na alas-6 ng gabi oras sa Roma o alas-dose ng madaling araw sa Pilipinas.