169 total views
Muling naglabas ang Laguna Lake Development Authority ng moratorium kaugnay sa pagbabaklas ng mga fish pens at cages sa Laguna Lake.
Kasama ang team ng Radio Veritas, nilibot ng LLDA at ng National Anti-Environmental Crime Task Force -Department of Environment and Natural Resources, ang Laguna Lake upang ibaba sa mga fish pens at cages owner ang moratorium na nagsasaad na hanggang March 31, 2017 ang huling palugit nito upang maharvest at maibenta ang kanilang fish stocks.
Bukod dito siniyasat din ng NAECTF ang mga palaisdaan matapos itong makatanggap ng ulat na mayroong armadong security ang malalawak na hektaryang palaisdaan.
Gayunman sa pag iikot ng grupo ay wala itong nasabat na mga armas at pawang mga katiwala lamang ang naiwang nagbabantau sa mga palaisdaan.
Sa kabila nito, tiniyak parin ni Under Sec. Arturo Valdez na ipagpapatuloy ng Task Force ang pagbabantay sa Laguna lake at titiyaking walang mang aabuso sa maliliit na mga mangingisda.
Nangako ang LLDA na tutuparin nito ang inihayag ni President Duterte sa kanyang SONA noong 2016, na bibigyang prayoridad ang maliliit na mangingisda.
“Ayon sa Board resolution, kailangang siguruhin ng LLDA na hindi maaapektuhan ang kalagayan at kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda, ang pinagbilin po ng ating Pangulo at ni Secretary Gina Lopez, siguraduhin na ang mahihirap at maliliit na mangingisda ay hindi maaapektuhan ng mga paglilinis na iton dahil po dyan lahat po ng mga istrukturang maliliit, yung mga maliliit na mangingisda (200sqm o mas maliit pa) ay hindi po maaapektuhan ng paglilinis na ito.” pahayag ni LLDA General Manager Jaime Medina.
Sa susunod na Linggo ay muling magsasagawa ng dismantling operation ang task force at layon nitong malinis ang 13,000 hektarya ng lawa bago ang muling SONA ni President Duterte ngayong 2017.
Sa Social Doctrine of the Church, pabor ang simbahan na kumita ang mga mamumuhunan subalit hindi dapat ito magdulot ng masamang epekto sa kalikasan o makadagdag sa paghihirap ng mga dukha.