188 total views
Hindi na dapat pagtakhan kung makukuhanan ng mga larawan o video ang mga taong-Simbahan na kasama ang mga bilanggo, mga VIP man o ordinaryo. Ayon kay Msgr. Roberto ‘Bobby’ Olaguer, chaplain at tagapagsalita ng New Bilibid Prison, nakasama niya sa isang larawan ang bank robber at drug lord convict na si Herbert Colangco dahil nagmisa siya sa kaarawan nito noong 2013.
Sinabi ni Msgr. Olaguer na bilang pari lalo na ng NBP, lahat ng paanyaya para mag-Misa ay kanyang tinatanggap lalo na kung ito ay natapat na hindi siya abala.
Una nang lumabas ang larawan sa mga balita na kasama ang pari at ilang opisyal ng Philippine National Police at Local Government Units (NGOs) na tila ipinalabas ng may malisya.
“Yung picture na yan 2013 pa, bago pa lang si Colangco dun at nag-birthday siya, magpapakain siya ng 500 bilanggo na walang dalaw, may mga sakit at nag-request siya ng Misa so nag Misa ako doon, dalawa kaming nagMisa, isang Salesian priest na bumibisita talaga sa mga jail, at 2 silang nag-birthday, nagkataon na dun siya nabisita kaya 2 kaming nag Misa sa covered court lahat itong pinakain… Nag-Misa na lang ako dun, may mga pagkakataong kasama namin ang mga nakabilanggo, kahit sino na nag-request ng Misa papaunlakan ko sila kahit bilanggo pa sila, bilang pari ng mga bilanggo,” pahayag ni Msgr. Olaguer sa programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Msgr. Olaguer na may nangyaring ‘photo ops’ dahil sa uso na rin noon ang mga CCTV kaya’t pinapayagan na rin ang mga camera noon.
“May photo ops, that time meron kaming CCTV, sa mga brigada may malalaking TV kasi ang nanonood mga 100—tao, kaya allowed yung ganung camera kaya ayun nakunan kami ng pictures,” dagdag pa ni Msgr. Olaguer.
Sa record ng BJMP o Bureau of Jail Management and Penology, hanggang noong Setyembre ng 2015, nasa 94,320 ang nakakulong kung saan 46, 276 dito ay may kinalaman sa iligal na droga.
Hinihimok ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na ihatid sa lahat lalo na sa mga makasalanan na ang awa ng Diyos ay para sa lahat at kinakailangan bilang taga-Simbahan at taga-sunod ni Kristo hindi dapat namimili ng mga taong sasamahan at makakasalamuha lalo na at si Kristo ay nakikain pa sa mga bilanggo, mahihirap, may nakakahawang sakit at sa mga makasalanan.