2,366 total views
Umaasa ang National Hospital Chaplaincy Association of the Philippines (NHCAP) na tuluyang maipapatupad sa mga ospital ang plantilla position para sa mga hospital chaplain.
Ayon kay NHCAP Ad Hoc Committee head Fr. Dan Cancino, MI, kabilang ito sa mga hangarin ng grupo upang mabigyan ng benepisyo ang mga hospital chaplain na matagal nang naglilingkod sa mga pampubliko at pribadong ospital sa bansa.
“Ito ‘yung aim natin na sana across all hospitals, lalong lalo na sa government hospitals ay mabigyan talaga ng item ang ating mga chaplains dahil may ibang ospital na mahigit 100 years na ay mahigit 100 years na rin ang presenysa ng ating chaplains,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ni Fr. Cancino na siya ring executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care na sa kasalukyan ay walang opisyal na benepisyo o suporta ang mga chaplains kapalit ng kanilang tungkulin sa mga institusyon.
Gayunman, patuloy na gagampanan ng hospital chaplains ang tungkuling gabayan ang mga may karamdaman, pamilyang nangangalaga, at health care workers tungo sa pagpapalalim ng pananampalataya.
Ito’y upang maipadama ang presensya ng Panginoon na hatid ay kagalingan, pag-asa, at katatagan habang patuloy na nilalakbay at hinaharap ang bawat hamon ng buhay.
“Ang pinakapunto dun ‘yung mag-uumpisa ito sa relasyon natin sa Panginoon. ‘Yung tanong pa rin na, bakit all these years nag-aalaga ka, nagbibisita ka, nakikilakbay ka? Talagang buhay na buhay ‘yung synodality, ‘di ba? Nakikilakbay ka sa mga maysakit, sa mga nag-aalaga. Ang sagot, dahil may relasyon tayo sa Panginoon na patuloy na nakikilakbay, patuloy na nangangalaga. Kung Siya, sino ba naman tayo? At ito ‘yung pinaka-konkretong expression ng ebanghelyo,” ayon kay Fr. Cancino.
Samantala, suportado naman ni Health Undersecretary for Public Health Services Dr. Maria Rosario Vergeire ang panawagan ng mga hospital chaplain hinggil sa plantilla o regular position sa mga ospital.
Tiniyak ni Vergeire na ito’y kanyang isasangguni sa mga opisyal ng DOH upang maisakatuparan at maproseso ng Department of Budget and Management (DBM).
Nilinaw din ng opisyal sa mga hospital chaplains na ito’y magiging mahabang proseso dahil idadagdag ito ng DBM sa pondong ilalaan sa mga ospital.
“Kung ako ang tatanungin, I really support the idea that there should be this plantilla item for a chaplain. Every hospital needs a chaplain. Whatever your religion may be, we need a chaplain who can spiritually support our patients,” pahayag ni Vergeire sa ginanap na 2nd National Hospital Chaplaincy Conference 2023.
Nakasaad sa Laborem Exercens ni Saint John Paul II na karapatan ng bawat manggagawa ang wastong pasahod at benepisyo para sa kanilang kapakinabangan.