323 total views
Nanawagan ang opisyal ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) na pag-aralan ang desisyon na pagbabalik ng klase sa mga paaralan.
Kasunod ito ng pilot-testing ng mga limited face-to-face classes sa 28 na mga pampublikong paaralan sa Metro Manila kahapon, ika-8 ng Disyembre 2021 at 170 na mga pribado at pampublikong paaralaan sa buong Pilipinas.
Dalangin ni CBCP Episcopal commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) Chairman Bayombong Bishop Elmer Mangalinao ang pagkakaroon ng sapat na pag-aaral at pagninilay ng mga itinalagang opisyal ng pamahalaaan sa hakbang para sa kapakanan ng mga mag-aaral.
“Dalangin ko lang na napakalalim sana at napakalawak na pag-iisip, pagninilay na ginawa para ibukas ang mga paaralan para sa ating mga kabataan, talagang it is a broad step coming from the government,” ayon sa panayam ng Obispo sa Veritas.
Pinangangambahan naman ni Bishop Mangalinao ang banta ng COVID-19 OMICRON VARIANT sa mga mag-aaral kaya’t nanawagan ito ng mahinahong desisyon sa face-to-face classes.
Inihayag ng Department of Education na ngayong Disyembre ay magsusumite ang mga paaralan kung saan idadaos ang mga klase na siyang isusumite sa Office of the President.
“Bago sana magdagdag tutal magbabakasyon, tingnan muna kung ano ang magiging bunga nito sa pinayagan na magbukas ng face-to-face classes” pahayag ng Obispo
Umaasa rin si Bishop Mangalinao na nawa’y ang bawat estudyante na nakikiisa sa pilot face-to-face testing ay pawang mga nakatanggap na ng bakuna laban sa COVID-19.
Apela rin ng Obispo ang paghihintay sa mga kakalabasang bunga ng inisyatibo ng gobyerno upang maging handa sa paglulunsad ng mga kaparehong hakbang.
“Lahat sana sila ay mayroon ng [bakuna], so para sa akin hindi muna dapat dagdag ang bilang ng mga face-to-face module, sa halip ay bigyan muna ng karampatang araw o buwan para makita kung ano ang magiging bunga nito, it is better to be a much prepared than be sorry later on,” ani Bishop Mangalinao.