338 total views
Itinuturing ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) na mga makabagong misyunero at katekista ang Overseas Filipino Workers na naghahanap buhay at naninirahan sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Vice Chairman ng kumisyon, malaki ang papel na ginagampanan ng mga OFW lalo na sa hanay ng pag-aaruga sa mga bata upang mahubog ito ng may pananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtuturo na magdasal at maging magalang sa kapwa at mga magulang.
Ipinaliwanag ng Obispo na siya ring Pangulo ng International Catholic Migration Commission (ICMC) – Asia-Ocenia Working Group na bilang mga makabagong katekista ay malaki ang ambag ng mga OFW sa paghuhubog ng mabubuting mga miyembro ng lipunan saan mang bansa o lugar sila naroroon.
Bilang mga misyunero, sinabi ni Bishop Santos na ang mga Filipino din ang pumupuno at nagiging katuwang ng Simbahan sa higit na pagpapalaganap ng Mabuting Salita ng Panginoon.
“They are modern day catechists and missionaries. As catechists they teach also prayers to the children under their care, telling how to be respectful and responsible sons and daughters to their parents. With them the children are being formed to be good and do their best in schools, in the community. As missionaries, they fill up the Church, helping and assisting with the works in the parishes.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Matatandaang una ng kinilala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang matatag na pananampalataya ng mga mamamayang Filipino na ginugunita ngayong taon ang ika-500 taon ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa.
Ayon kay Pope Francis, kahanga-hanga ang malalim at matatag na pananampalataya ng mga Filipino na patuloy ring nagsisilbing misyunero ng ebanghelyo maging sa iba’t ibang bansa.
Sa tala aabot sa mahigit 10-milyon ang bilang ng mga Filipino migrants ang naninirahan at naghahanapbuhay sa may halos 100 iba’t ibang bansa.