769 total views
Binigyang pagkilala ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang Our Lady of the Assumption Parish sa Canaman, Camarines Sur sa mahalagang ambag nito sa kasaysayan ng bansa.
Sa unveiling ng national historical marker, tinukoy ni National Historical Commission of the Philippines OIC-Executive Director Carminda Arevalo mahalagang papel ng Our Lady of the Assumption Parish sa pagpapalago ng pananampalatayang Katoliko at bilang saksi sa mayamang kasaysayan ng bansa.
Ayon kay Arevalo, ang National Historical Marker ay iginawad bilang pagkilala ng estado sa pinakamatandang parokya sa Pilipinas.
“Isa ang Simbahan ng Canaman sa pinakamatandang parokya hindi lamang sa kaBikolan kundi sa buong Pilipinas. Ang paglalagay ng panandang pangkasaysayan na ito ay pagkilala ng estado sa papel na ginampanan ng Simbahang ito hindi lamang bilang gusaling pang-relihiyon kundi bilang makasaysayang pook ng Pilipinas.”pahayag ni Arevalo.
Tiniyak naman ni Archdiocese of Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang patuloy na pangangalaga at pagpapayabong sa Simbahan ng Our Lady of the Assumption Parish ng Canaman.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na mahalaga para sa Simbahan ang kasaysayan lalu na ang history of salvation na nakaugat sa kasaysayan ng buhay ng tao.
Sinabi ni Archbishop Tirona na ipinapaalala ng mayamang kasaysayang nasaksihan ng Our Lady of the Assumption Parish ng Canaman ang katotohanang magkaugnay ang mayamang kasaysayan ng isang bayan sa patuloy na pagpapalago ng pananampalataya sa maykapal.
Sa naganap na paghawi ng tabing sa panandang pangkasaysayan sa Our Lady of the Assumption Parish ay pormal din na kinilala ang parokya bilang “Bedrock of Faith, and a Witness to History.”
Itinatag ang Our Lady of the Assumption Parish noong 1583 sa ilalim ng Arkidiyosesis ng Nueva Caceres na isa sa pinakamatandang Simbahan hindi lamang sa Bicol region kundi sa buong bansa.
Nasasaad sa panandang pangkasaysayan o National Historical Marker na mababasa sa tarangkahan ng Simbahan ang mayamang kasaysayan na nasaksihan ng Our Lady of the Assumption Parish o mas kilala bilang Simbahan ng Canaman.