193 total views
Pinayuhan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Epicopal Commission on the Laity ang mamamayan na maging handa sa anumang banta ng epidemyang maaaring kumalat sa bansa tulad ng Zika Virus.
Ayon sa Obispo, wala pa mang katiyakan ang pagkakaroon ng kaso ng Zika Virus sa bansa, pag-iingat parin ang pinaka mainam na paraan upang hindi madapuan ng malubhang karamdaman.
“Hindi pa naman talaga napapatunayan yung kaugnayan nitong Zika Virus duon sa mga pagbubuntis, although malaki yung incident so nagkakaroon sila ng mga abnormalities sa mga bata. Kaya dapat pangalagaan natin ang mga stagnant waters, mag-ingat tayo na hindi dumami ang mga lamok.”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas
Naunang idineklara ng World Health Organization (WHO) ang mosquito-borne Zika virus bilang international public health emergency upang mapabilis ang international action at maging prayoridad ito sa lahat ng research.
Sa huling tala ng WHO mahigit 4,000 kaso na ang birth defects sa Brazil at patuloy itong kumakalat sa 28 mga bansa.
Dahil dito, tumutulong na rin ang mga healthcare services ng Simbahang Katolika sa buong mundo upang alagaan ang mga naghihirap at may karamdaman, sa pamamagitan ng 18 libong klinika at 5,500 mga ospital.