247 total views
Ipinaalala ni Father Bien Miguel, Social Action Center Director ng Diocese of Antipolo na bawal ang anumang gawaing makasisira sa mga puno at magdudulot ng polusyon sa Sierra Madre na bahagi ng Upper Marikina Watershed.
Ayon sa Pari, nasasaad sa batas na ipinagbabawal ang quarry, pagtatayo ng mga pabahay, pagkakaingin,
iligal na pagmimina at paglalagay ng landfill sa loob ng watershed na nagsisilbing imbakan ng tubig na ginagamit
ng mga naninirahan sa lungsod.
“Paalala lang po sa mga nasa labas ng Markina Watershed, hindi po pinagbibili ang mga lupa diyan, malawakan po ang pagbebenta ng mga rights,iyan ay ipinagbabawal ng DENR. May mga quarry po dito na nasaloob ng Marikina Waterhsed, yaan ay pinagtulungan namin na mahinto… Naglagay sila ng Landfill San Mateo Landfill,
ito ay pinagbawal at dinesisyunan ito ng supreme court kaya yun ay naisara dahil nakapaloob ito
sa Marikina Watershed.,” bahagi ng pahayag ni Fr. Miguel.
Ayon kay Fr. Miguel, maaaring kulang sa koordinasyon at mahigpit na pagbabantay ang pamahalaan kaya nakalulusot ang ilang proyektong ito na mapanganib para sa balanseng kapaligiran sa loob ng watershed.
“Siguro ang problema ay ang coordination saka yung classification, sometimes pagdating sa batas nakakahanap tayo ng lusot, halimbawa upper Marikina Watershed, bawal yan ang gagawin dyan para yung isang lugar na alam naman nating nasa loob ay irereclasify na ito ay hindi watershed kaya dun nangyayari ang bentahan,” dagdag pa ng Pari.
Dahil dito, iginiit ni Fr. Miguel na kinakailangang paigtingin ng mga Ecowarriors na kinabibilangan ng mga Peoples Organization, Katutubo, Faithbased organizations, businessmen at DENR ang pagbabantay sa Upper Marikina Watershed upang mapanatili ang integridad ng kalikasan.
Ang Upper Marikina Watershed Protected Landscape ang nakasasakop at nagsusuply ng tubig sa ilang bahagi
ng Metro Manila.
May lawak itong 26,125.64 hektarya at sumasakop sa mga bayan ng Antipolo, Baras, Rodriguez, San Mateo at Tanay.
Ayon sa Laudato Si ng Kanyang kabanalan Francisco, natatanging tungkulin ng bawat tao ang pangalagaan ang kalikasan.