478 total views
Bumubuhos ang panalangin para sa mga lingkod ng Simbahan Katolika na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID 19.
Matapos isailalim sa isang linggong lockdown ang Caritas Manila at magpositibo sa Covid19 ang Executive Director nito at Pangulo ng Radio Veritas na si Rev. Fr. Anton CT Pascual at iba pang Kaparian mula sa iba’t-ibang Parokya at Diyosesis ay nagpapatuloy ang pagpapahayag ng panalangin ng maraming mananampalataya partikular na sa Social Media.
Iba’t-ibang mga Facebook pages at mga lider ng Simbahang katolika ang nagpahayag ng kanilang pagdarasal para sa mga naapektuhang Kaparian at mga Layko.
Nito lamang mga nakalipas na araw ay sunod-sunod ang mga napaulat na lingkod ng Simbahan na nag-positibo sa virus dahilan upang isailalim sa lockdown ang ilang mga tanggapan at Parokya maliban pa sa pagsasailalim ng Metro Manila at mga karatig lalawigan sa tinatawag na “NCR Bubble”.
Magugunitang pumanaw ang Parish Priest ng San Agustin Church na si Rev. Fr. Arnold Sta. Maria sa edad na 45 dahil sa Covid19 habang patuloy na nagpapagaling sa Ospital si Lipa Archbishop Gilbert Garcera at Fr. Pascual.
Si Fr. Pascual ay naging aktibo sa pamamahagi ng tulong gaya ng mga foodpacks at gift certificates katuwang ang mga pribadong sektor sa pagsisimula pa lamang ng lockdown noong Marso ng nagdaang taon.
Sa datos ng Caritas Manila umabot na sa 9 na milyong indibidwal ang natulungan ng nasabing social arm ng Archdiocese of Manila hindi lamang sa NCR kundi maging sa iba pang mga lalawigan.
Si Arcbishop Garcera naman ay naging abala sa pagdalaw at pagtulong sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Sa kabila nito, magpapatuloy ang misyon ng Simbahan na maglingkod higit lalo na sa mga mahihirap at iba pang naapektuhan ng pandemya.
Kasabay ng pag-iingat at pagpapatupad ng mga health safety protocols ay ipagpapatuloy ng Caritas Manila ang mga programa nito gaya ng Feeding, Crisis Intervention at Scholarship para mga mahihirap.