413 total views
Hinamon ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pamahalaan na tiyaking sinusunod ng mga malalaking kumpanya ang tamang regulasyon sa mga proyekto lalo na kung magdudulot ng malubhang panganib sa kalikasan at mamamayan.
Ito ang sinabi ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Office on Sterwardship sa panawagang pagpapatigil sa kasunduan ng tatlong quarrying companies sa bahagi ng Masungi Georeserve at Upper Marikina Watershed sa lalawigan ng Rizal.
Ayon sa Obispo, hindi lamang dapat negosyo at ang kikitain ang pinagtutuunan dito kundi ang kahihinatnan ng kalikasan at ang maaapektuhang komunidad sakaling maganap ang mga sakuna.
“Kaya dapat ‘yan ay may masugid na pag-aaral, hindi lang basta-basta. Kaya sana hindi lang pera ang magpapakilos doon. Tingnan din ninyo ang proteksyon sa environment habang ginagawa ‘yun,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Pinuri din ni Bishop Pabillo ang pagsuporta ng mga lokal na opisyal ng Metro Manila upang mapahinto ang mineral production sharing agreements (MPSAs) sa protected landscapes ng Rizal.
Kabilang sa mga lumagda sa panawagan ay sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, Marikina Mayor Marcy Teodoro, at Pasig Mayor Vico Sotto.
Nauna nang pinuri ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang tugon ng Metro Manila Mayors sa pagpapahinto sa quarrying operations.
Read: https://www.veritasph.net/pagsuporta-ng-metro-manila-mayors-sa-pagpahinto-ng-quarrying-sa-masungi-georeserve-at-upper-marikina-watershed-kinilala-ng-obispo/
Sinabi ni Bishop Pabillo na ang hakbang ng mga alkalde ay patunay ng kanilang tapat na paglilingkod at pagiging mabuting katiwala ng kalikasan gayundin ang pagtiyak sa kaligtasan ng kanilang mga kinasasakupan.
Samantala, hamon naman ng Obispo sa iba pang lokal na opisyal na manindigan din sa pagtatanggol at pag-iingat sa inang kalikasan sa halip na maging bahagi ng mga mapagsamantala at patuloy na sumusuporta sa mga mapaminsalang proyekto.
“Magandang balita na may mga local official’s tayo that they’re concerned about the environment. Sana po ‘yan ay kumalat din sa ibang mga local official’s natin kasi pananagutan nga natin ‘yan. It cannot be business as usual lalong lalo na sa public emergency natin,” ayon kay Bishop Pabillo.
Nilalayon ng panawagan na hikayatin ang Department of Natural Resources na tuluyan nang bawiin, sa halip na suspindehin lamang, ang MPSAs sa mahigit 1,300 ektaryang protected landscape.
Batay sa pag-aaral ng Manila Observatory, ang patuloy na pagkaubos ng kagubatan sa Upper Marikina Watershed ay maaaring magdulot ng malawakang pagbaha lalo na sa mabababang lugar.
Sinabi rin ng Masungi Georeserve na kapag nagpatuloy ang ganitong gawain, maaaring maging mas malala pa sa Bagyong Ondoy ang maranasan dahil nasa 11-porsyento na lamang ang natitirang forest cover sa watershed.