2,062 total views
Magdiriwang ng banal na Misa ang University of the Philippines-Philippine General Hospital Chaplaincy bilang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng coronavirus pandemic sa bansa.
Isasagawa ito bukas, Marso 30, 2023 sa ganap na alas-nuebe ng umaga sa Immaculate Conception Chapel, UP-PGH sa pangunguna ni head chaplain Fr. Lito Ocon, SJ.
Ayon kay Fr. Ocon, ang banal na pagdiriwang ay bilang pasasalamat sa patuloy na paggabay ng Panginoon upang manatiling ligtas ang mga health workers, maging ang lahat ng mamamayan mula sa panganib na dala ng COVID-19.
Sinabi ng head chaplain na sa pamamagitan ng pananalig at panalangin ay napagtagumpayan ng bawat isa ang pandemya, at ngayo’y unti-unting bumabangon kasabay ng pag-asang tuluyan nang malulunasan ang virus sa lipunan.
“Together with all our health workers, we thank the Lord for being with us all throughout the difficult times, for keeping us safe and healthy. With Him we conquered our fears, and now we can say, we triumphed because we fought together against our invisible enemy,” pahayag ni Fr. Ocon.
Marso 2020 nang lumaganap ang pandemya sa bansa at isinailalim sa lockdown ang buong Luzon at iba pang karatig na lalawigan.
Batay sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa halos 4.1 milyon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan higit apat na milyon ang gumaling habang nasa 66,351 naman ang nasawi.
Sa kasalukuyan, nasa 8,600 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.