31,583 total views
Inihayag ng opisyal ng Stewardship Office ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi sapat ang kakayahan ng bansa para isulong ang nuclear energy.
Ayon kay Stewardship chairman, Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, dapat suriing mabuti ng pamahalaan ang mga posibilidad at magiging epekto sakaling pahintulutan at matuloy ang panukalang nuclear energy sa bansa.
Tinukoy ni Bishop Pabillo ang malilikhang nuclear waste na napatunayan na sa mga pagsusuri na mapanganib para sa kalikasan lalo’t higit sa kalusugan ng mamamayan.
“Para sa akin, short-sighted ‘yung dadaan tayo sa nuclear energy e. Kasi marami nang mga bansa ang iniiwasan ‘yan at mas magiging problema natin ‘yan sa nuclear waste pagkatapos. Alam naman natin na ang record ng ating gobyerno na mahina tayo sa maintainance, kasi paano imemaintain ‘yan? lalong lalo na sa Bataan na inaayawan ng mga taong taga roon at silang unang maaapektuhan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit naman ng obispo na sa halip na nuclear energy, dapat higit na pagtuunan ng pamahalaan ang pagsusulong sa renewable energy.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na malaki ang reserba ng bansa sa malinis na enerhiya tulad ng solar, wind, at hydro energy kaya makabubuting ilaan na lamang ng pamahalaan ang pamumuhunan dito.
“Kaya sa halip na nuclear energy na masyadong mahal at mahirap pa ang pag-maintain, bakit hindi na lang ‘yung ibang mga clean energy na pwede naman sila talagang magsulong tulad ng solar at wind energy na marami naman para sa atin. So, ‘yun dapat ang isulong nila sa halip na ‘yung napatunayan na hindi naman talaga tatagal at ang problema ay ang nuclear waste,” saad ni Bishop Pabillo.
Aprubado na sa ikatlong pagbasa ang panukalang House Bill 9293 o Philippine National Nuclear Energy Safety Act, na layong makapagbigay ng comprehensive legal framework para sa ligtas na paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Bago ito’y nilagdaan ng Pilipinas at Estados Unidos ang 123 Agreement o ang Philippines-United States Agreement for Cooperation Concerning Peaceful Uses of Nuclear Energy sa ginanap na APEC Summit sa San Francisco City, California.
Gayunman, katulad ng mga naunang pahayag ng CBCP ay nananatili pa rin ang paninindigan ng simbahan upang tutulan ang isinusulong na nuclear energy at iba pang marumi at mapanganib na enerhiya sa bansa.