221 total views
Nananawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity sa mga volunteer na nagnanais maging election watchdog poll watchers sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Aminado si CBCP-ECL chairman Manila Auxiliary Bishops Broderick Pabillo na kasalukuyang nahihirapan ang ilang mga Election Watchdog organizations sa paghahanap ng mga volunteers na magsisilbing poll watchers para sa nakatakdang halalan.
Ayon kay Bishop Pabillo, hirap sa paghahanap ng mga volunteer poll watchers ang Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) dahil sa karamihan ng mga mamamayan sa ilang lugar ay mayroon ng pinapanigang kandidato at partido na hindi pinahihintulutan ng mga non-partisan organizations.
“Dahil nga sa wala na kasi sabi dapat wala kang affiliation sa mga politiko at marami sa kanila ay nakuha na na maging poll watcher o maging anuman sa mga politiko kaya hirap ng kumuha ng mga tao na wala pang affiliation sa mga political party para maging poll watcher sa PPCRV at sa NAMFREL…”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas
Umaapela ang Obispo sa mga botanteng magsisilbi ring poll watchers sa halalan na hindi lamang ang pagboto sa kanilang mga kinabibilangang kandidato o partido ang nararapat bantayan kundi maging ang kabuuang kaayusan ng nakatakdang halalan.
Ayon sa Obispo, hindi masama ang pagpanig sa isang kandidato o partido ngunit kinakailangang maging patas ang bawat isa sa pagbabantay at pagtiyak ng kaayusan ng kabuuang katapatan sa sistema ng halalan.
Ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ay ilan lamang sa mga pangunahing citizens arm na nagsisilbing Election Watchdog tuwing sasapit ang halalan upang matiyak ang tapat, malinis at mapayapang halalang pambansa sa Pilipinas.
Kaugnay nito batay sa tala, mula ng maitatag noong 1991 umabot na sa 28-eleksyon ang nilahukan at binantayan ng PPCRV kung saan sa kasalukuyan ay umaabot na sa 700-libo ang volunteers nito mula sa may 86 na iba’t ibang diyosesis sa buong bansa. Habang mula 1984 – tinaya namang nasa 30-National at Local Elections na ang nilahukan at binantayan ng NAMFREL.