11,278 total views
Pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mahalagang pagdiriwang ngayong Paschal Triduum sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral.
Sa Huwebes Santo ng alas sais ng umaga makikiisa ang cardinal sa morning prayer bago ang Chrism Mass sa alas siyete ng umaga kung saan babasbasan ang mga langis at ang rito ng pagsasariwa ng pangako ng mga pari.
Sa pagsisimula ng banal na triduo pangungunahan ni Cardinal Advincula ang Misa sa Huling Hapunan sa alas singko ng hapon kung saan isasagawa rin ang nakagawiang paghuhugas ng paa sa 12 indibidwal mula sa iba’t ibang sektor.
Ngayong taon kabilang sa mga huhugasan ng paa sina Fr. Flavie Villanueva, SVD – pari; Sr. Mary Jane Valerio, MCST – madre; Jhanella Aguado – guro; Thessalonica Cadiz -Pychometrician; John Rey Espinoza – mula sa sektor ng kabataan; Leah Gatdula – magulang; Philip Sumera – Charismatic Leader; Dr. Anthony Leachon – Doctor; Lourdes Villaram – PPCRV member; Jenneson Carl – Church volunteer; Marielle Alegue – TNK member; at, Paterno Esmaquel sa sektor ng mamamahayag.
Susundan ito ng paglalagak ng Banal na Santisimo sa altar of repose ng cathedral kasabay ng pagtatanod ang pagsasagawa ng sakramento ng kumpisal.
Sa Biyernes Santo pangunahan din ng cardinal ang pagdiriwang sa Pagpapakasakit ng Panginoon sa alas tres ng hapon habang sa Sabado de Gloria ng alas otso ng gabi ang Magdamagang Pagdiriwang sa Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Kaugnay nito mapakikinggan sa Radio Veritas 846 ang live coverage sa lahat ng mga gawain ng Manila Cathedral at matutunghayan sa DZRV 846 Facebook Page at Veritas TV sa Sky Cable 211.