2,097 total views
Pinalalawak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang programa upang isulong sa buong bansa ang pagkakaroon ng malusog na baga.
Ito’y ang Samahan ng Lusog-Baga (SLB) na binubuo ng mga pasyenteng gumaling sa Tuberculosis at iba pang karamdaman sa baga na layong ipalaganap ang mga kaalaman at pamamaraan upang makaiwas sa nakahahawang sakit.
Ayon kay CBCP-ECHC executive secretary Fr. Dan Cancino, MI, sinimulan ang SLB noong 2015, kung saan umabot na sa 13-chapter ang naitatag sa iba’t ibang arkidiyosesis at diyosesis sa buong bansa.
“Itong Samahang Lusog-Baga ay SEC [Securities and Exchange Commission] registered na ito under ng CBCP-Healthcare commission… This is made up of TB survivors, at the same time, ‘yung TB educators at parish-based volunteers natin. So, dito sila sumasama kasi inihahanda din natin ‘yung ating mga sarili sa totoong kaganapan ng Universal Health Care,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang sa mga lugar na may sangay ng SLB ay ang Archdiocese of Manila; Diocese of Cubao; Diocese of San Pablo, Laguna; Diocese of Lucena, Quezon; Archdiocese of Lipa, Batangas; Diocese of Balanga, Bataan; Archdiocese of Cebu, at Diocese of Mati, Davao Oriental.
Sinabi ni Fr. Cancino na nakatakda namang magtatag ng bagong SLB chapter sa Western Visayas Dioceses, partikular na sa Bacolod, Iloilo, Antique, at Capiz; at inaasahang madadagdagan pa para maipalaganap ang kaligtasan ng mamamayan mula sa epekto ng TB.
“Ito rin ay isang venue para magpalaganap ng Mabuting Balita. Nagkakaroon sila ngayon ng samahan para magbigay-kalinga din sa mga maysakit sa ospital at sa kanilang mga bahay. ito ay isang kongkretong hakbang talaga na ipinapakita ang layunin ng synod on synodality,” ayon kay Fr. Cancino.
Umaasa rin ang pari na sa pamamagitan ng SLB ay maiiwasan na ang diskriminasyon sa mga pasyenteng mayroong TB, at higit na maipadama ang pagmamalasakit na tiyak na makakatulong sa kanilang agarang paggaling.
Paalala naman ni Fr. Cancino sa publiko na sakaling magkaroon ng sintomas tulad ng pag-ubo na uamabot na sa dalawang linggo ay huwag mag-atubiling magpakonsulta sa mga dalubhasa.