206 total views
Hinimok ni Earth Hour Philippines Ambassador Mikee Cojuangco ang mamamayang Filipino na makibahagi sa isang oras na pagpapatay ng mga ilaw sa ika-19 ng Marso,2016 simula alas Otso y medya hanggang alas nuebe y medya ng gabi.
Ayon kay Cojuangco, ang sama-samang pagtitipid sa paggamit ng kuryente ay magandang pagpapatuloy sa layunin ng Earth Hour na bigyang diin ang pangangailangang tugunan ang suliranin sa nagbabagong klima.
Dagdag pa ng Earth Hour Ambassador, hindi lamang sa pagtitipid sa elektrisidad kundi maging sa pagiging responsable sa pang-araw araw na pamumuhay maaaring ipakita ng bawat mamamayan ang pangangalaga sa kalikasan.
“Kumuha tayo sa isa’t isa ng lakas at inspirasyon na gawing kasama ng lifestyle natin ang pagiisip natin ng mga paraan na makatulong sa kalikasan natin, gaya ng pagtitipid sa kuryente sa tubig, sa paggamit ng mga supot na gamit na wag nating itapon lalong lalo na yung mga plastics, yung basura natin itapon natin ng maayos, yung mga bagay nay un hindi natin alam kung gaano kalaki yung tulong na nagagawa sa kalikasan .” Pahayag ni Coajuangco sa panayam ng Radyo Veritas
Pagbabahagi pa ni Cojuangco, isang magandang karanasan, at hindi nito malilimutan ang milyun-milyong Filipino na taunang sumusuporta sa Earth Hour.
Aniya, nagsimula lamang sa simpleng pagpapatay ng ilaw ang programang pinangungunahan ng World Wildlife Fund Philippines, subalit sa taun-taon na pagsasagawa nito ay malaking pagbabago ang naidudulot sa bawat komunidad.
Magugunitang taong 2007 unang isinagawa ang Earth Hour sa Sydney Australia at agad itong inilunsad sa Pilipinas sa taong 2008 kung saan ito ang kauna-unahang bansa sa Asya na nakilahok sa programa.
Dahil sa milyun-milyong mga Filipinong nakilahok sa Earth Hour nakamit ng Pilipinas ang titulong “ Earth Hour Hero Country” sa loob ng limang taon simua 2009 hanggang 2013.
Samantala taong 2015 mahigit 10,400 local and national Landmarks ang nakiisa sa pagpapatay ng ilaw kabilang dito ang Quezon Memorial Circle, Empire State Building, Eiffel Tower at Sydney Opera House. Tinataya namang 125 Megawatts ang natitipid taun-taon tuwing isinasagawa ang Earth Hour.
Magugunitang sa Laudato Si ni Pope Francis, hinikayat nito ang bawat tao na simulan sa pagbabago ng lifestyle ang ecological conversion na kinakailangan ng mundo, at dito naman magmumula ang community conversion o pagkakaisa ng bawat mamamayan para sa iisang adhikaing protektahan ang san nilikha.(Yana Villajos)