2,564 total views
Tunay na makakamtan ang kaganapan ng buhay sa pagyakap at pagtanggap sa presensya ng Diyos.
Ito ang pagninilay ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa banal na Misa para sa Paggunita kay Santa Teresita ng Batang Hesus o St. Therese of Lisieux sa Lung Center of the Philippines, Quezon City.
Ayon kay Bishop Ongtioco, naging makabuluhan ang buhay ni Sta. Teresita na bagamat bata pa ay ipinamalas na ang kahandaan ng kalooban sa misyong iniatas ng Panginoon.
“Once you embrace our God, that is everything. There is joy, there is fulfilment in your life. So, ‘yan po ang mapupulot natin kay St. Therese. Kahit na maliit tayo, binigyan tayo ng kakayahan ng Diyos dahil mayroon tayong inaasam. Uhaw, gutom, ang ating damdamin, ang ating kalooban upang hanapin ang Diyos,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Ongtioco.
Pagbabahagi ng obispo na tinalikuran ni Sta. Teresita ang karangyaan, at sa halip ay pinili ang payak na pamumuhay upang buong pusong tanggapin ang tawag ng Panginoon tungo sa kabanalan.
Hamon naman ni Bishop Ongtioco sa bawat mananampalataya na tularan ang buhay ni Sta. Teresita na bagamat payak ay nakamtan pa rin ang kaligayahan dahil sa presensya ng Diyos.
“Lahat tayo ay daluyan ng pagmamahal ng Diyos. Lahat tayo ay mahalaga sa Diyos. Ang mahalaga ay kinikilala natin kung sino ang maaaring yumakap sa atin at itaas tayo. ‘Yan ang Diyos, ‘yan ang ating buhay, ‘yan ang ating lakas,” ayon kay Bishop Ongtioco.
Si St. Therese ay isang French Carmelite nun na namayapa noong ika-30 ng Setyembre, 1897 sa edad na 24 sanhi ng tuberculosis.
Idineklara siyang banal ni Pope Pius XI noong 1925 dahil sa kanyang payak na buhay-pananampalataya, at itinuring na patron ng mga may sakit sa baga.