1,393 total views
Kinilala ng Upper Marikina Watershed Coalition (UMWC) ang desisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa quarrying operations sa Masungi Georeserve at Upper Marikina Watershed.
Ito’y matapos na ipawalang-bisa ni Environment Undersecretary Juan Miguel Cuna ang tatlong Mineral Production Sharing Agreements (MPSA) ng Rapid City Realty and Development Corp., Quimson Limestone, Inc., and Quarry Rock Group, Inc. sa loob protected areas.
“After three years of campaigning, we look forward to seeing these cancellations enforced and reflected on the ground.” pahayag ng UMWC.
Bagamat naglabas na ng desisyon ang DENR, patuloy pa rin ang koalisyon sa pagtatanggol laban sa ilang operasyong nananatili pa rin sa loob ng mga protected area.
Tinukoy ng UMWC ang mga mapaminsalang resort at land grabbers na nagpapanggap na mga magsasaka at katutubo, na nanggugulo at nagbabanta sa mga tagapagbantay ng Masungi Georeserve at Upper Marikina Watershed.
Muli namang nanawagan ang grupo kay Environment Secretary Toni Yulo-Loyzaga upang makipag-ugnayan sa pamunuan at mga kasapi ng Masungi Georeserve Foundation.
Kaugnay ito sa 2017 agreement na nilalayong ibalik at pangalagaan ang bahagi ng Upper Marikina Watershed.
Gayundin ang babala sa publiko na patuloy na maging maingat at mapagmatyag sa mga mapagsamantala.
“We urge the public to be wary of political witch hunts and delaying tactics that aim to coerce environment defenders into giving up, as is being done to Masungi Georeserve and the Upper Marikina Watershed defenders.” ayon sa koalisyon.
Nakasaad sa ensiklikal na Laudato Si’, binigyang-diin ni Pope Francis na ang anumang pinsalang ginagawa ng tao sa kapaligiran ay sumasalamin sa pagkasira ng relasyon sa Diyos at kapwa.