35,350 total views
Lumagda sa kasunduan ang Caritas Philippines, Archdiocese of Capiz, Archdiocese of Jaro, at Diocese of San Carlos upang pagtibayin ang Caritas Bamboo Forest Project sa mga lalawigan ng Capiz, Iloilo, at Negros Occidental
Pinangunahan ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang paglagda sa Memorandum of Agreement, katuwang sina Caritas PH vice-president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, at national director Fr. Antonio Labiao, Jr.; Capiz Archbishop Victor Bendico; at Jaro social action director Msgr. Meliton Oso.
Kabilang din sa mga lumagda ang mga kinatawan mula sa Provincial Government of Capiz, Department of Environment and Natural Resources-Capiz, at Capiz State University.
Ayon kay Fr. Labiao na bukod sa pagkilos upang maipalaganap ang layunin ng ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco, inaasahan ding ang proyekto ay makatutulong upang pagmulan ng hanapbuhay sa mga pamayanan, at lalo’t higit ang mapigilan ang lumalalang climate crisis.
“It’s really to participate or to contribute to the whole program of Laudato Si’-a care for our common home… It’s really to be part of the whole Catholic Church effort to care for our common home. Makikita natin in concrete, in three dioceses and enhancing biodiversity conservation and climate change mitigation,” pahayag ni Fr. Labiao.
Inihayag naman ni Capiz SAC director Fr. Mark Granflor na ang programa ng social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ay magiging epektibong hakbang tungo sa pangangalaga at pagpapanatili sa mga kagubatan sa tatlong lalawigan sa Western Visayas.
Dagdag pa ni Fr. Granflor na ito’y nagsisilbi ring paalaala sa bawat isa upang maging mas responsableng tagapangalaga at katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
“This is a reminder for us to be more appreciative and responsible to God’s creation,” ayon kay Fr. Granflor.
Saklaw ng Caritas Bamboo Forest Project ang nasa 32.9-ektaryang lupain upang pagtaniman ng nasa 7,300 bamboo seedlings sa Agnaga, Cuartero, Capiz; Balabag, Anilao, Iloilo; at sa Villacin, Cadiz City, at Punao, San Carlos City, Negros Occidental.
Katuwang ng Caritas Philippines sa proyekto ang United States Agency for International Development o USAID at Gerry Roxas Foundation.
Umaasa ang institusyon na mapapalawig ang proyekto sa 86-diyosesis sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtutulungan at pakikipag-ugnayan sa mga pamayanan, pamahalaan, at mga pribadong sektor.