33,567 total views
Tiniyak ng bagong pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang pagpapaigting sa mga nasimulang gawain, programa at adbokasiya ng mga naunang opisyal ng implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity.
Ayon kay Bro. Xavier Padilla – bagong Pangulo ng LAIKO, isang biyaya at hamon na maihalal bilang bagong tagapangasiwa ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas para sa susunod na dalawang taon.
Inihayag ni Padilla na makakaasa ang lahat sa pagpapatuloy ng mga nasimulang gawain at adbokasiya ng LAIKO na nagsisilbing gabay sa misyon ng iba’t ibang National Lay Organizations at Diocesan Councils of the Laity sa 86 na mga diyosesis bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.
“I am truly blessed and surprise but really truly blessed to be able to serve you [for] the next two years as President of the Laiko Board. We can take our cue from the many boards that came before us in having activities, in coordinating, in really pushing what Laiko should be – a coordinating body, really inspiring the Diocesan Councils and the National Lay Organizations and other ecclesiastical groups to be able to see the bigger picture and to see what it means to be Catholic.” Ang bahagi ng pahayag ni Bro. Xavier Padilla.
Kabilang sa partikular na tinukoy na mga programa at adbokasiya ni Padilla ay ang paninindigan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa usapin at kalagayan ng kalikasan, kahalagahan ng boto ng bawat mamamayang Pilipino at pagpapalakas sa tungkuling ginagampanan ng mga kababaihan sa lipunan.
Ayon Padilla, mahalaga ang suporta at panalangin ng bawat isa upang magampanan ng mga bagong opisyal na bumubuo sa board ng LAIKO ang kanilang mga bagong tungkulin.
“And to push being Catholic and to push our programs about the environment, empowerment of women, electoral reform and all the others that we have in the pipeline of Laiko. There are definitely so many things that we can do and there are still so many things that we are planning to do to implement over the next two years and hopefully with your support we can really push these things forward.” Dagdag pa ni Padilla.
Si Padilla ay nagsilbing dating Public Relations Officer ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na hahalili kay Bro. Raymond Daniel Cruz Jr.
Naihalal ang mga bagong opisyal ng Laiko sa naganap na 23rd Laiko National Biennial Convention noong ika-27 hanggang ika-29 ng Oktubre ng nakalipas na taong 2023 sa Tacloban City na may temang “United in Mission as a Synodal Church”.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay ang nagsisilbing implementing-arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na binubuo ng mahigit sa 50-organisasyon ng Simbahan at Diocesan Council of Laity mula sa 86 diyosesis sa buong bansa na kasalukuyang pinamumunuan ni Dipolog Bishop Severo Caermare.
Kabilang sa mga pangunahing gawain ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang taunang Walk for Life na unang inilunsad noong 2017 bilang pagpapahayag ng paninindigan ng mga Laiko sa pagsusulong sa dignidad ng buhay na kaloob ng Panginoon at labanan ang culture of death sa ilalim ng noong administrasyong Duterte.