367 total views
Hinikayat ni Bontoc Lagawe Bishop Valentin Dimoc ang mamamayan na huwag maging kampante at patuloy na sundin ang mga safety measures kontra virus.
Ito ang mensahe ng obispo sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa social media post ng obispo nababahala ito sa kalagayan ng mga pagamutan sa bansa lalo na sa Metro Manila na puno na at hirap nang tugunan ang dumaraming kaso ng COVID19 sa bansa.
“In order that Hospitals and medical workers may not get overwhelmed by the numbers of those infected, let us always observe precautionary measures like what we have learned to practice for one year,” bahagi ng mensahe ni Bishop Dimoc.
Ibinahagi pa ng obispo na dalawang pari ng Apostolic Vicariate of Bontoc Lagawe ang nagpositibo sa COVID-19 na kasalukuyang nagpapagaling sa mga pagamutan.
Dalangin ni Bishop Dimoc ang kagalingan ng mamamayan lalo na ang naghihirap dahil sa epekto ng lockdown bunsod ng pandemya hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Paalala ng obispo sa mamamayan na kumain ng sapat at panatilihing malakas ang pangangatawan sapagkat tinatayang 1.7 porsyento sa mga namamatay sa COVID-19 ay dahil sa comorbidity.
Batay sa tala mahigit 20-libo ang kaso ng COVID-19 sa Cordillera Administrative Region kung saan 16 na libo ang gumaling sa karamdaman.
Dalangin ni Bishop Dimoc na makakahanap ng lunas na abot kaya sa mga mahihirap na mamamayan.
“We pray that CHEAP medicines be finally discovered for the healing of humanity. While humanity is struggling to recover from the CoViD-19, it seems the EARTH is fast recovering from high pollution,” ani ng obispo.
Umaasa ang obispo na may matutuhan ang mamamayan sa epekto ng pandemya na bukod sa pangangalaga sa sarili ay mahalagang pangalagaan ang ating kalikasan na maituturing nag-iisang tahanan ng buong sanlibutan.