325 total views
Higit na mas nararamdaman ang presensya ng Panginoon kapag tunay na natanggap ang banal na Eukaristiya.
Ito ang binigyang-diin ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera hinggil sa kaibahan ng personal na pagdalo sa banal na Misa, kumpara sa online o virtual mass.
Ayon sa Arsobispo, kanyang napansin sa mga mananampalataya, lalung-lalo na sa mga matatanda ang pananabik at kagalakan noong natanggap na ang katawan ni Kristo, makalipas ang isang taong pagkakakulong sa mga tahanan at hindi personal na nakadadalo sa mga banal na pagdiriwang dulot ng patuloy na pag-iral ng pandemya.
“Alam n’yo po sa mga nakaaraang buwan, 30-percent lamang ang inapproved ng gobyerno tungkol sa pagsisimba. At sa mga nagsisimba, matutuwa kayo sapagkat maraming tao sa kanilang first time after one year, nung mangumunyon [ay] umiiyak. Tuwang-tuwa, galak na galak sapagkat hindi maihahambing ang tunay na pagsimba sa simbahan… [kumpara sa] virtual mass,” bahagi ng katesismo ni Archbishop Garcera.
Bagamat patuloy ang pagsasagawa ng online at virtual mass, mas hinihikayat ni Archbishop Garcera ang bawat mananampalataya lalo na ang mga kabataan na sikaping personal na makadalo sa mga banal na pagdiriwang lalo na’t pinahihintulutan na ng pamahalaan ang 30-porsyento ng kapasidad sa religious activities.
“Sa mga kabataan, huwag n’yong isipin na pwede o sapat na ang virtual mass. Kahit na matapos na ang pandemya, mas piliin pa rin nating personal na dumalo sa mga banal na misa at buong pusong tanggapin ang katawan ni Kristo,” ayon kay Archbishop Garcera.
Dalangin naman ni Archbishop Garcera na nawa’y tuluyan nang matapos ang pandemyang ito at muli nang makapagsagawa ng banal na misa kasama ang lahat ng mga mananampalatayang nananabik na matanggap si Kristo.
“Hingin po ninyo ang biyaya na harinawa ang taimtim na pagnanais na darating ang panahon, magsisimba rin kami kasama ang pamilya. Magsisimba rin kami at tatanggapin ang katawan ni Hesus. Kung kaya’t ipagdasal po natin na matapos na ang pandemyang ito at bumalik na tayo sa simbahan upang tanggapin si Hesus sa komunyon,” dalangin ng Arsobispo.
Patuloy na sinisikap ng simbahan ang pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, maging ang physical at social distancing sa loob ng mga simbahan upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mananampalataya laban sa COVID-19 transmission.