175 total views
Taos pusong nagpapasalamat ang Archdiocese of Palo, Leyte sa patuloy na pagtulong ng Metrobank Foundation sa kanilang tuluyang pagbangon mula sa pananalasa ng Bagyong Yolanda sa pagbabahagi nito ng 500 Bags of Blessing.
Ayon kay Rev. Fr. Chris Militante, secretary ni Archbishop John Du, isinasabuhay ng Metrobank Foundation ang nauna ng panawagan ni Pope Francis sa mga negosyante na tulungan ang mga mahihirap sa anumang kita na kanilang natatanggap.
Aniya, nagpapatuloy rin ang pagsuporta ng naturang foundation sa mga long term rehabilitation project ng Archdiocese.
“Taos puso yung ating pasasalamat sa Metrobank Foundation dahil alam nga natin na tuloy-tuloy ang kanilang pagpapa-abot ng tulong dito sa Archdiocese of Palo. Hindi lang sa mga suporta nila sa rehabilitation project na ginagawa ng ating Archdiocese simula ng nanalanta ang super typhoon Yolanda dito sa ating lugar. Gaya ng ginagawa nila ngayon na pamamahagi ng Bags of Blessing sa mga tao natin dito sa Archdiocese ay isa talagang grace o biyaya na galing Panginoon na siya’y nagpadala ng mga tao. Dito alam natin na ang Metrobank isang Bangko at nasa business realm sila. Ngayon hindi lang sila concern sa business kung hindi dahil sa biyayang natanggap nila galing sa Panginoon ay ipinapamahagi rin nila yung mga biyayang yun sa lahat,” bahagi ng pahayag ni Fr. Militanta sa Radyo Veritas.
Pinaalalahanan rin nito ang mga nakatanggap ng biyaya na maging biyaya rin sa iba hindi lamang ng materyal na bagay kundi ng presensya.
“Paalala natin na huwag tayong magsawa sa pagpapasalamat na tuloy-tuloy na pagbibigay ng kanilang panahon at mga resources. At tayo nakatanggap sa mga kababayan ko na nakatanggap ng mga biyaya ay matuto ring magbigay sa iba. Alam natin for example dito 300 lang yung makakatanggap kung tayong lahat ay magbibigay so hindi lang talaga 300 lang yung nakatanggap kundi ibahagi rin sa kanilang kapit -bahay sa kanilang lugar. Ibahagi kung ano yung meron sila kahit hindi pera, hindi goods kahit yung mga presence nila pagmamahal sa kanilang kapwa,” paalala ng pari sa mga taga – Palo.
Umabot naman sa 300 ang nakatanggap ng Bags of Blessing sa Palo at 200 naman mula sa mga nasunugan sa Tacloban ang nabahaginan ng biyaya.
Nabatid na taong 2013 ng manalasa Ang supertyphoon Yolanda sa Eastern Visayas na kung saan mahigit 10 libo ang namatay at 16 na milyong indibidwal ang naapektuhan .