203 total views
Hinimok ng CBCP–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang pamahalaan na matuto sa nangyayaring krisis sa mga overseas Filipino workers sa Middle East.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Komisyon, malaking problema sa mga OFW na mawawalan ng trabaho sa Middle East na magtiwala sa programa sa pamahalaan sa bansa lalo sa kakaharapin nilang problema sa kanilang edad at expertise.
“Ang kanilang pinag–aralan ang kanilang gulang, ang kanilang expertise at ang kanilang age ay nagiging limitado at nag-iiwan ng bagabag na sila ay makahanap ng trabaho rito. Kumbaga ay wala na tapos na ang cut–off period at ikalawa rin ay mababa ang sweldo rito ay mababa kumpara sa kanilang natatanggap. Kaya nga ang kahilingan natin pag–aralan na ang pangkalahatan, programa ng trabaho dito sa Pilipinas. Hindi na dapat tayo magpadala, mag-angkat at ang mitihiin ay naging labor exporting country na tayo,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Hinamon rin nito ang mga kumakandidato na isaalang–alang ang mga hinaing ng mga OFW at itigil na ang patuloy na “labor exporting”.
“Dapat na ring magkaroon ng malawakang programa lalo na ngayong halalan lalo na yung maihahalal na mamumuno sa atin na hanapan ng pangkabuuang programa kung saan ang ating bansang Pilipinas ay hindi na aasa pang magpadala pa ng manggagawa sa ibang bansa kundi dito sa ating bansang Pilipinas ay mayroon ng trabaho na matatag, matibay na masasabi nating disente. At makapagbibigay ng security sa kanilang kinabukasan hindi kontraktuwal kundi talagang panatag ang kanilang kalooban,” panawagan ni Bishop Santos.
Nabatid rin na 15 porsyento o katumbas ng 3,000 hanggang 4,000 OFW na nasa oil, gas and infrastructure industry sa Middle East ang pinahinto na ngayon o posibleng tanggalan ng trabaho at mawalan ng benepisyo na patuloy pa ring pagbaba ng presyo ng langis sa world market.
Batay sa Philippine Association of Service Exporters Inc. o PASEI, 6 na mula sa kumpanya ng Gulf Cooperation Council o GCC ang nag-abiso na magbabawas ng kanilang trabahador.