144 total views
Mababa pa rin ang tingin sa mga kababaihan ngayon.
Ito ang inihayag ni Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz dahil marami pa rin sa mga kababaihan ang nakatatanggap ng mas mababang suweldo kumpara sa kalalakihan.
Giit pa ni Archbishop Cruz sanhi ito ng patuloy na impluwensya ng Marxismo na mas nakahihigit ang mga lalaki kaysa sa mga babae.
“Dito sa Pilipinas hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naalis ang Marxismo. Anuman ang sabihin natin na umuunlad na ang kababaihan sa kanilang gawain dito sa ating bansa higit sa lahat sa pamamahala. Pero huwag naman nating ipagtanggol ang Marxismo na batay talaga sa kalikasan na ang babae ay talagang mas mababa ang kinalalagayan kaysa sa mga lalaki. Kaya mas mababa ang ibinibigay sa kanila na gawain at mas mababa rin ang tingin sa kanila. Nakakalungkot yung ganu’n,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Hinangaan naman ni Archbishop Cruz ang mga kababaihan matapos lumabas sa pag – aaral ng US based audit and tax firm na Grant Thornton International na kung saan pumangalawa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga babaeng may hawak na matataas na posisyon sa trabaho.
“Sinasaluduhan ko ang ganung pangyayari na maraming babae sa atin ang nasa ang nasa matataas na posisyon. Baka may mas kakayahan sila, baka mas lalo silang napagkakatiwalaan kaysa sa mga lalaki,” giit ni Archbishop Cruz sa Veritas Patrol.
Nabatid na batay sa Philippine Statistics Authority o PSA, na mula taong 2014 lumaki ang bilang ng mga manggagawang kababaihan na umabot sa 93.9 percent kumpara noong 1998 na 89 percent lamang.
Samantala, noong 2015 kinilala ng World Economic Forum’s Global Gender Gap Report ang Pilipinas na ika – 16 sa buong mundo at ika – 3 sa Southeast Asia na kumikilala sa pagkakapantay – pantay sa kasarian sa ikalalago ng ekonomiya.