760 total views
Ipinaliwanag ng Autism Society Philippines ang pagkakaiba ng autism spectrum disorder (ASD) sa iba pang kondisyon na nakakaapekto sa isang tao.
Ayon kay ASP President Mona Magno-Veluz, ang autism ay bahagi ng developmental conditions o disabilities kung saan ang isang tao ay masasabing mayroong kapansanan sa pisikal, kaalaman, pagsasalita, at pag-uugali.
Sinabi ni Veluz na madalas dito sa Pilipinas ay napapagkamalang isang mental health disorder o may kapansanan sa pag-iisip ang taong mayroong autism.
“Iyong term kasi na mental disorder, medyo vague ‘yun ha. We need to be more specific kasi it’s around the brain. Pero mental disorder, unfortunately, sa Pilipinas parang ang iniisip natin ay psychosocial condition,” ayon kay Veluz sa panayam ng Radio Veritas.
Bukod sa autism, kabilang sa mga developmental conditions ang attention deficit hyperactivity disorder (ADHD), cerebral palsy, hearing loss, intellectual disability, learning disability, vision impairment, at iba pa.
Nilinaw din ni Veluz na hindi agad natutukoy sa pagsilang ang autism at madalas itong nakikita kapag ang bata ay nasa edad tatlong taong gulang na.
Dalawa sa mga pangunahing mapapansin sa batang mayroong ASD ay ang hirap sa pakikihalubilo sa kapwa at ang problema sa pagsasalita.
“Sa mga bata po, minsan ‘di sila nakakapagsalita agad o kaya meron silang repetitive o stereotypical behavior katulad nung pagtatakip ng tenga,” paliwanag ni Veluz.
Mensahe naman ni Veluz na patuloy lamang na iparamdam ang pagkalinga at paghikayat sa mga kaanak o kaibigan na may autismo na bagamat may kapansanan ay hindi ito magiging hadlang upang mamuhay nang normal at maabot ang mga pangarap sa buhay.
“Tandaan n’yo po na ang mga taong may autismo ay maaaring maging successful. Basta po bibigyan natin sila ng maagang intervention, ng pagmamahal, at we have to inspire others to accept, accommodate, and appreciate ang mga taong may autismo,” ayon kay Veluz.
Ginugunita ngayong Abril ang World Autism Month na layuning pahalagahan ang mga taong mayroong autismo, gayundin upang bigyang-pansin ang iba’t ibang usapin na nakakaapekto sa mga taong mayroon nito.
Dito sa Pilipinas, taong 1996 nang lagdaan ng dating Pangulong Fidel V. Ramos ang Proclamation Number 711 na idineklara ang ikatlong linggo ng Enero bilang National Autism Consciousness Week.
Una nang inihayag ng Catholics Bishops’ Conference of the Philippines ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga batas na magbibigay ng pagkakataon sa sektor ng ‘Persons with Disabilities’ na sila’y makapagbahagi at makapamuhay ng may dignidad sa lipunan.