1,469 total views
Inaanyayahan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga hindi pa rehistradong botante na samantalahin ang muling pagbubukas ng voter’s registration ng Commission on Elections (COMELEC).
Ayon kay PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano, dapat samantalahin ng mga hindi pa rehistradong botante ang mahigit isang buwang voter’s registration upang makapagpatala mula ika-12 ng Disyembre, 2022 hanggang sa ika-31 ng Enero ng susunod na taong 2023.
Nanawagan si Serrano sa mga first time voters o sa mga kabataan na nasa wastong edad pagsapit ng nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na magparehistro upang makibahagi sa halalang pambarangay sa October 27, 2023.
“Para sa mga mag-i-edad ng 15 years old on or before October 27, 2023 maaari kayong magparehistro if I say at least magpi-15 years old on or before October 27, 2023 kasama na din diyan yung hanggang 30 years old para makaboto sa SK (Sangguniang Kabataan)” paanyaya ni Serrano sa Radio Veritas.
Bukod sa regular na proseso ng voters registration ay inilunsad din ng COMELEC ang Registration Anywhere Project upang mabigyan ng panahon ang mga nais na magpatala na magparehistro maging sa araw ng Sabado at Linggo sa ilang mga malalaking pamilihan sa bansa.
Kasabay voter’s registration sa bansa ay sinimulan ng COMELEC ang Overseas Voters Registration sa iba’t ibang bansa noong ika-9 ng Disyembre 2022 na magtatagal sa ika-30 ng Setyembre 2024 bilang paghahanda sa nakatakdang 2025 National and Local Elections.
5-milyong bagong botante ang inaasahan ng COMELEC ang makapagtala sa voters registration.
Unang tiniyak ng PPCRV ang suporta para sa muling pagbubukas ng voters registration sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng impormasyon at pagkumbinsi sa mga hindi pa rehistradong botante.