1,961 total views
Muling pinaalalahanan ng Diyosesis ng Legazpi, Albay ang mga Bikolano na mag-ingat at maging handa sa banta ng bulkang Mayon.
Ayon kay Bishop Joel Baylon, makabubuting sundin ang mga paalala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) bilang babala at pag-iingat sa posibleng mangyari kasunod ng muling pagtaas sa Alert Level 2 status o ‘increased unrest’ ng Mayon Volcano.
“Ipinaalaala na ng Phivolcs sa mga nakatira sa paligid ng Bulkang Mayon na dahil sa pagtaas sa Alert Level 2 ay huwag pumasok sa 6-km permanent danger zone. Ang pagtaas ng Alert Level ay nagsasabing malaki ang posibilidad na magkaroon ng mga hindi inaasahang pagsabog ang bulkan.” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam ng Radio Veritas.
Sa huling ulat ng PHIVOLCS, naitala ang 74 rockfall events batay sa seismic at visual observation sa bulkan na tumagal ng isa hanggang apat na minuto.
Umabot naman sa 208 tonelada ang ibinugang sulfur dioxide o asupre mula sa Bulkang Mayon, at may taas na 200 metro na dinadala ng hangin patungong kanluran-timog-kanlurang direksyon.
Sinabi naman ni Bishop Baylon na patuloy ang pananalangin ng Oratio Imperata sa buong diyosesis para sa kaligtasan ng lahat, at hindi na magdulot pa ng anumang pinsala ang Bulkang Mayon.
Maliban sa Mayon Volcano, kabilang sa mga binabantayan ng PHIVOLCS ang kalagayan ng Bulkang Taal sa Batangas na nakataas sa Alert Level 1 status at patuloy ang pagbuga ng volcanic smog.