29,602 total views
Tinuran ng opisyal ng Office on Stewardship ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang mga piitan ay dapat magsilbing lugar ng pagpanibago ng mga taong nagkasala sa lipunan.
Ayon kay Taytay Palawan Bishop Boderick Pabillo, ito ang paanyaya ng simbahan sa pagdiriwang ng Prison Awarenes Sunday alinsunod sa utos ni Hesus na kalingain ang mga bilanggo.
“Ang mga bilangguan natin ay dapat maging rehabilitation centers, at hindi lang lugar ng pagpaparusa at lalo na hindi lugar ng paghihiganti,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Sinabi ng obispo na isa ang mga persons deprived of liberty o PDL sa mga sektor na naisasantabi ng lipunan na kinakailangang kalingain.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ang mga bilanggo ay hindi dapat hinuhusgahan sa pagkakamaling ginawa sa halip ay tulungang magbagong buhay upang makabalik sa komunidad gayundin hindi lahat ng mga nasa piitan ay nagkasala.
“Hindi lahat ng nasa bilangguan ay masasamang tao. Marami ang nandoon dahil sila ay biktima ng pagsasamantala,” giit ni Bishop Pabillo.
Tema sa pagdiriwang ngayon taon ang “The Correctional Community: Journeying Together in Mutual Support on a Mission of Love” na layong paigtingin ang misyon ng simbahan sa prison ministry.
March 25, 1975 nang makatanggap ng liham ang CBCP mula sa mga bilanggong nahatulan ng parusang kamatayan kung saan inilahad ang mga hinaing at hiniling sa simbahan na tugunan ang kalagayan ng mga bilanggo sa bansa.
Dahil dito itinatag ng kalipunan ang Episcopal Commission on Prisoners’ Welfare na noong 1998 ay kinilalang Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na nangangalaga sa mga PDL.
Taong 1987 naman ng itinalaga ng CBCP ang huling Linggo ng Oktubre bilang Linggo ng Kamulatan sa mga Bilanggo upang bigyang kamalayan ang mamamayan sa sitwasyong kinakaharap ng mga bilanggo sa bansa.