490 total views
Nagpapasalamat si Augustinian Recollect Brother Jaazeal “Tagoy” Jakosalem sa kanyang pagkakahalal bilang bagong pangulo ng ARCORES International Network.
Ang ARCORES ay ang International Solidarity Network ng Order of Augustinian Recollect na layong isulong ang pagkakaroon ng kapayapaan at katarungan sa lipunan, at makatulong sa pagtugon sa mga higit na nangangailangan.
Ayon kay Jakosalem, bagama’t malaking hamon ang kanyang panibagong tungkulin, nangako ito na patuloy na isusulong ang mga layunin ng ARCORES lalo’t higit ang pagtalima sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa isang simbahang sama-samang nagmamalasakit sa mga mahihirap.
“The international office are guided with the new social challenge in the church especially in the aspect of the voice of Pope Francis to make the church really not just for the poor but being with the poor.” pahayag ni Jakosalem sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok naman ng Agustinian Recollect Brother ang mga mananampalataya na ipagpatuloy ang pagmamalasakit sa kapwa lalo na sa mga biktima ng krisis na nangyayari sa kapaligiran.
“Common ito sa atin na being Filipino and Christians, ‘yung generosity na you support, you’re able to contribute to the needs of the church, is something that if multiplied, it can really help those affected.” ayon kay Jakosalem.
Si Jakosalem ay nagsilbing pinuno ng ARCORES Philippines mula 2006 hanggang 2018, at nahalal naman bilang General Councilor ng Social Apostolate Commission ng Order of Augustinian Recollect.
Maliban sa Pilipinas, kilala rin ang ARCORES sa 21 bansa sa buong mundo kabilang na ang China, Taiwan, Australia, Argentina, Mexico, United States, United Kingdom, Italy, at Spain.