2,842 total views
Inihayag ng Filipino missionary sa Kenya na maraming aral ang kanilang natutuhan habang ginagampanan ang gawaing pagpapastol sa nasasakupang kawan.
Ayon kay Fr. Peter John Guarin na nangangasiwa sa Holy Family Parish, Kaaleng sa Diocese of Lodwar Turkana Kenya, lubos nitong ipinagkatiwala sa Panginoon ang kanyang gawain kasama ang iba pang Pilipinong misyonero sa lugar.
“Napakaraming naituro sa akin ang mission experience ko dito sa Kenya. It taught me how to be simple and be contented with life. I’m always reminded not to complain but to be humble and be resourceful,” pahayag ni Fr. Guarin sa Radio Veritas.
Aminado ang pari na malaking hamon ang pagmimisyon sa Kenya lalo’t iba ang kultura, tradisyon at lengwahe ng mamamayan na dapat matutuhan ng mga misyonero para sa mas maayos na pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Bilang mga misyonerong Pilipino ipinamalas ni Fr. Guarin at mga kasamahan ang ilang traditional religious acivities tulad ng Santa Cruzan.
“Since Santa Cruzan is something new to them. Kailangan naming magbigay ng sapat na kaalaman upang mas Lalo nilang ma-appreciate at ma-embrace ang kanilang pananampalataya through a Catechesis that we give,” ani Fr. Guarin.
Pagbabahagi ng pari na labis ang kagalakan ng mamamayan lalo na ang kababaihang napili maging bahagi ng santacruzan dahil sa kultura sa lugar na mababa ang tingin sa mga babae.
“Sobrang happy at na boost yung dignity nila [mga babae] somehow when they were chosen for this Santa Cruzan,” giit ng pari.
Bukod sa Santa Cruzan pinasimulan din ng mga misyonero ang prusisyon noong Semana Santa at ang ‘discurso’ sa Easter Sunday gayundin ang pagsagawa ng Simbang Gabi sa paghahanda ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus noong Disyembre na bagamat bago sa kultura ng Kenya ay malugod na tinanggap ng buong komunidad.
November 2020 nang bisitahin ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo ang kinupkop na parokya na pingasiwaan ni Fr. Guarin kasama ang ilang pari ng arkidiyosesis.
Bagamat may mga pagkakataong nahihirapan ang mga misyonero ipinagpasalamat pa rin sa Panginoon ang pagkakataong ibinigay na makapagbahagi ng misyon sa ibayong dagat.
“We just have to accept that helplessness is part of the mission but we are not hopeless. Everything is grace, I’m just an instrument. We just let God be God. This way we are made to understand people even more and we feel our closeness with them. Dito mas pinapakita ng Dios kung paano mas maging isang totoong simbahan para sa kanila, ang simbahan na merong puso at nakikiisa sa mga tao,” giit ni Fr. Guarin.