
Hayuma, inilunsad ng Caritas Philippines
11,766 total views
Binigyang-diin ng mga lider ng simbahan ang pangangailangang suriin at palalimin ang pagtugon ng Simbahan sa panawagan ng Laudato Si’ makalipas ang isang dekada, sa gitna ng patuloy na krisis sa kalikasan, kahirapan, at pamamahala sa bansa.
Ito ang naging diwa ng Hayuma: Mending the Broken, isang tatlong araw na church-led conference na ginaganap sa University of Santo Tomas mula January 14 hanggang 16, 2026, na dinaluhan ng mga obispo, pari, madre, at layko mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Ayon kay Fr. Angel Cortez, Executive Secretary ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) at National Coordinator ng CMSP-Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission (JPICC), ang Hayuma ay isang sandali ng sama-samang pagninilay at pananagutan ng Simbahan.
“Pagkatapos ng sampung taon, kailangang tanungin: ano na ang nagawa natin? Ano pa ang dapat gawin ng taong-simbahan? Ano ang dapat gawin ng Simbahan?” ayon kay Fr. Cortez sa panayam ng Radyo Veritas.
Pinangunahan ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines, ang pagtitipon na layong palakasin ang sama-samang pagkilos ng Simbahan at mga katuwang nito sa pagtugon sa magkakaugnay na krisis sa ekolohiya, ekonomiya, at pamamahala.
Binigyang-diin ni Fr. Cortez na ang pagtitipon ay hindi lamang para sa diskurso kundi para sa kongkretong pagtugon sa panawagan ng lipunan.
“Naririto ang CBCP, ang CMSP, ang mga madre, pari, at iba’t ibang organisasyon upang gabayan tayo sa pagninilay, sa pagtingin, at higit sa lahat, sa pagtugon sa panawagan ng ating lipunan,” pagbabahagi ng pari.
Nakaugat ang Hayuma sa paninindigan ng Simbahan sa integral ecology, na pinalakas ng Asilo Conference noong 2015 at ng mga pastoral letter at direktiba ng CBCP na humihikayat ng ecological conversion, makatarungang ekonomiya, at aktibong pakikilahok ng mga komunidad.
Para kay Fr. Cortez, ang lakas ng Simbahan ay nasa kolektibong pagkilos ng mga tao.
“Bilang totoong Simbahan—ang mga tao—may kapangyarihan tayong baguhin ang lipunan sa pamamagitan ng tuwirang pakikisangkot at pag-aalay ng ating sarili,” saad ni Fr. Cortez.



























