248 total views
‘Huwag lamang umasa sa Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps.’
Ito ang inihayag ni Archdiocese of Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo na kinakailangang pondohan ang agrikultura at paglikha ng trabaho sa maraming Pilipino at hindi lamang umasa sa dole–out system ng pamahalaan.
Aniya, iwasan din ng mga Pilipino lalo na ng mahihirap na masyado dumidepende sa 4Ps upang makatayo sa kanilang sariling paa.
“Mabuti rin yun dahil immediate na makakatulong yun para sa kahirapan ng ating mamamayan. Pero mas maganda kung mag–invest rin tayo para sa ating pag–flow range natin sa ating agrikultura. At yung creation of jobs para sa ating mga kababayang Pilipino mahirap na yung masyado tayong totally dependent sa cash transfer program ng ating pamahalaan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Base sa Social Weather Stations (SWS) survey noong Pebrero, 80 porsyento o halos 4 sa 5 Pilipinong botante ang nagsabing posible nilang iboto ang kandidato na magpapatuloy sa 4Ps.
Sa ngayon ay umabot na sa 4 na milyon ang benepisyaryo ng 4Ps na sinimulang ilunsad noong 2007.
Nauna na ring ipinapaalala ng Simbahang Katolika ang katugunan sa mga pangunahing panganagailangan ng mga mahihirap at isinasantabi ng lipunan.
Inilunsad naman ng social charity arm ng simbahang katolika ang Caritas Margins na programa ng Caritas Manila na tumutulong sa mga micro- entrepreneur sa bansa na kumita mula sa kanila produktong pinagpaguran.